Wagas na pagkopya: Gaano nangawit ang kamay mo sa pagkopya ng mga nakasulat sa visual aids?

  • Bahagi ng landas ng isang mag-aaral sa paaralan ang kumopya ng lektura ng guro
  • At sa pampublikong paaralan, matiyaga ang maraming mag-aaral na kumopya ng kanilang aralin sa mga visual aids
  • Dahil dito, maraming alaala ang naiwan sa kanila ng pagkopya nila ng lecture noong mag-aaral pa

Isa sa mga pinakalamaking ‘sakripisyo’ ng mga batang nag-aaral sa public school ay ang kawalan ng sapat na aklat. Dahil sa dami ng estudyante, may mga pagkakataong hindi sumasapat ang mga aklat sa paaralan para sa lahat. Mayroon ding mga asignaturang wala talagang libro.

Kaya naman bilang tugon, ang mga guro ay matiyagang gumagawa ng visual aids para naman mayroong maiwang aralin at notes sa mga bata. Ang mga visual aids na ito ay matiyaga namang kokopyahin ng mga mag-aaral sa kanilang mga kwaderno o notebook.

Larawang kuha ni Randelle Dave via Estudyante Pr0blems FB Page

Ito ang inalala sa isang post ng Facebook page na Estudyante Pr0blems. Nag-post sila ng isang larawan na kuha ni Randelle Dave kung saan makikita ang napakaraming bahagi ng Manila paper kung saan nakasulat ang lecture nila para sa araw na iyon.

Hindi kita kung mayroong guro sa loob ng classroom ngunit marami ang may kutob na iniwan ito ng kanilang guro kaya naman nagpakopya na lamang ng aralin. At sa dami ng visual aids na nakakabit sa pisara, mahaba-habang sulatan ito.

Sabi tuloy ng ilang mga netizens, kahit daw hindi sila ang estudyante sa larawan, naramdaman nila ang ngalay ng kamay sa pagkopya. Talaga naman kasing nakangangawit sa kamay ang magsulat ng mga lecture na pagkahaba-haba.

Pero dahil kasama ito sa mga binibigyan ng marka ng mga guro at chine-check per grading, no choice ang marami kung hindi kumopya. Dinaraan na lang nila sa pabilisan sa katabi kung sino ang unang matatapos sa pagsusulat. Iyong iba naman, idinadaan sa maikling kuwentuhan sa katabi.

Larawan mula sa YouTube

Inalala rin ng mga netizen na may mga pagkakataong sila mismo ang gumagawa ng mga visual aids. Kapag sila ang natokang reporter ng lesson, isa sa requirements ay ang paggawa ng visual aids. Kapag daw masipag at creative ang reporter, siguradong kompleto ang visual aids sa mga palamuti at dekorasyon.

Sabi naman ng ilan, upang maiwasan ang pagkakaroon ng napakaraming visual aids, dapat daw ay matuto ang reporter na i-summarize ang kanyang ilalagay dito. Tulong na rin ito upang makatipid sa pahina ng notebook, tinta ng ballpen, at oras ang mga mag-aaral.

Ikaw, ano ang alaala mo sa mga visual aids sa school?

Loading…