Wala sa listahan: 94 anyos na lola bigong makakuha ng ayuda

Imahe mula sa GMA News
  • Bigong makakuha ng ayuda sa ilalim ng social amelioration program (SAP) ang 94 anyos na si Lola Magna Aparece
  • Nagbakasakali ang senior citizen na makakuha ng form dahil wala na siyang katuwang sa buhay
  • Ayon sa social worker, inilista na lamang niya si Lola Magna upang irekomenda sa susunod na bigayan ng SAP dahil wala ito sa listahan

Hirap man at walang kasiguraduhan ay nakipila ang 94 anyos na si Lola Magna Aparece sa bigayan ng ayuda sa social amelioration program (SAP) sa Bagong Silang, Caloocan.

Imahe mula sa GMA News

Nais sana niyang humingi ng form para sa SAP dahil kailangang kailangan niya nito sapagkat nag-iisa na lamang siya sa buhay.

“Wala akong pamilya. Ang mga anak ko, nangamatay na. Ako’y nakikitira lamang,” sabi ng senior citizen sa isang panayam sa GMA News.

Nang tanungin kung ano ang gagawin kung hindi mabigyan ng form, tumugon si Lola Magna na “Bahala na si Lord.”

Paliwanag ng social worker na si Rochelle Fernando, maaaring inakala ng matanda na ang pila ay para sa SAP form. Ang tanging magagawa lamang daw niya sa ngayon ay ilista si Lola Magna sa report para sa susunod na bigayan. Hindi kasi ito nakasama sa hawak nilang listahan ng mga benepisyaryo ng SAP.

“Mahirap po na ipapangako mo… Lagi ko po sinasabi kung meron man, malalaman din naman nila, makakarating din yun dahil ibabahay din naman po yun,” sabi ni Rochelle.

Sa huli ay umuwing walang ayuda si Lola Magna.

Imahe mula sa GMA News

Hiling ng netizens, sana ay bigyang prayoridad ang mga pinaka-nangangailangan kagaya ni Lola.

“Obvious naman na mas deserve nila. Kaunting konsiderasyon na lang. May mga naibabalitang senior citizen na namamatay dahil sa pagkuha ng ayuda. Kung wala naman sigurong pandemic siguro ay buhay pa sila. Kaunting konsiderasyon at tulungan lang at malalagpasan din natin ang lahat ng ito,” sabi ni J. Colos.

“Kung maghihintay pa si lola ng next na bigayan, sana naman mabigyan man lang siya ng kaunting cash at makakain niya,” sabi naman ni A. Martinez.

Habang isinusulat ito ay sinusubukan pang maghanap ng netizens ng paraan upang makapag-abot ng tulong kay Lola. Sa identification card na ipinakita sa ulat sa GMA News ay nakasaad na nakatira siya sa Phase 9 Pkg 4 Block 43 Lot 6, Bagong Silang, Caloocan.

“Tulungan po natin siya lalo na at malapit na ang Mother’s Day. Iparamdam po natin ang pagmamahal sa kaniya,” komento ni I. Sy.

Source :

YouTube, GMA News

Loading…