Walang sayang: Paglalagay ng kanin sa lata ng canned goods, ginagawa mo ba para masimot ang natirang sauce?

  • Marami sa atin ngayon ang kumakapit sa mga delata na bigay bilang ayuda ngayong may krisis
  • At upang masulit at masimot ang sauce ng delata, naglalagay ang ilan ng kanin sa loob nito
  • Ito ang masayang gawaing binalikan ng mga miyembro ng isang Facebook group

Ngayong may krisis sa bansa, marami din ang namamahagi ng relief goods sa iba’t ibang lugar. At ang isa sa pinakasikat na ibinabahagi ay ang mga delata. Mula sa iba’t ibang brand ng sardinas, tuna, corned beef, at meat loaf, ay madalas laman ng mga ayudang natatanggap natin.

At kapag delata ang ulam, paniguradong may kanya-kanyang paraan ang mga Pilipino sa pagkain at paghahanda nito. Ang iba, straight from the can na kinakain ang mga ito habang ang iba ay inilulutong muli. Habang ang iba naman ay sinisimot talaga ang bawat laman ng canned goods.

Larawan mula sa Facebook post ni Michael Joseph Hanlipes

Ganito ang diwa ng naging post ng netizen na si Michael Joseph Hanlipes sa grupong We Are 90’s sa Facebook. Ibinahagi niya ang larawan ng binuksan niyang delata. Naisalin na niya sa isang mangkok ang laman ng canned good pero hindi pa siya tapos dito.

Nilagyan niya pa kasi ito ng kanin sa loob upang masimot ang natirang sauce ng canned tuna. Tinanong niya ang kanyang mga kasamahan sa grupo kung may gumagawa pa nito hanggang ngayon. Gawain na raw kasi ito ni Michael kahit noong bata pa.

At hindi naman nag-iisa si Michael. Nakagawian na rin ng mga batang 90s at 2000s ang simutin ang lata ng binuksang delata. Pandagdag lasa rin daw kasi ang sauce na natira sa loob ng lata. Kasama naman daw kasi iyon sa binayaran.

“Noon hanggang ngayon. Same tayo. Wala namang masama sayang kasi yung mga sarsa sa loob ng lata hahaha,” pahayag ng isang netizen na nagkomento.

Larawan mula sa Facebook

Gawain din daw ito ng mga netizen na nabibitin sa ulam. May ilang pagkakataon daw kasi na dalawang lata lang ng sardinas ang binili ngunit marami silang kakain. Kaya naman para makadagdag sa lasa ng kanin kahit kaunti ang ulam, sinasaid na nila ang laman ng lata sa pamamagitan ng paglalagay doon ng kanin.

Para naman sa ilan na nasanay na talaga, pagbukas pa lang daw ng lata ay awtomatiko na nilang sinisimot ang nasa lata. Kapag naman daw isinasahog sa ibang lutuin ang laman ng delata, nilalagyan nila ng tubig at ito ang isasabaw sa putahe para sa dagdag lasa.

Loading…