WHO nagbabala sa herbal drink na ine-endorso ng Madagascar President bilang panlunas sa COVID-19

  • Nagbabala ang WHO laban sa herbal drink na ine-endorso ng Madagascar president bilang panlunas sa COVD-19
  • Sinabi ng WHO na dapat munang idaan sa clinical tests ang herbal drink
  • Ilang bansa sa Africa ang nagpakita ng interes sa paggamit ng herbal drink mula sa Madagascar

Nagbabala ang World Health Organization (WHO) hinggil sa isang herbal drink na ine-endorso ng pangulo ng Madagascar na lunas umano sa COVID-19.

Screenshot mula sa video ng Africa News

“We would caution and advise countries against adopting a product that has not been taken through tests to see its efficacy,” ayon sa WHO.

Pinayuhan ng WHO ang mga gobyerno na isailalim sa clinical trials ang COVID Organics (CVO), isang uri ng herbal tea drink, na inirerekomenda ni Madagascar President Andry Rajoelina na mabisa umanong panlunas sa coronavirus disease.

”All trials and tests have been conducted and its effectiveness has been provided in reducing and elimination of symptoms from COVID-19 patients in Madagascar,” sabi umano ni Rajoelina ayon sa African News.

Sa isang Twitter post, hinikayat ni President Rajoelina ang mga mamamayan ng Madagascar na maniwala sa abilidad ng kanilang bansa na tugunan ang health crisis. Aniya, ang lahat ng kikitain sa pagbebenta ng CVO ay ibibigay sa Malagasy Institute of Applied Research.

Sa kabila ng babala ng WHO, dinaragsa ng mga tao ang distribution points sa iba’t ibang lugar sa Madagascar kung saan ipinamamahagi ang CVO.

Imahe mula sa AA

Inutos ni President Rajoelina na libreng ipamahagi sa mga mahihirap ang herbal tea at ibenta sa iba sa murang halaga.

Ilang bansa na rin ang nagpakita ng interes sa CVO, kabilang ang Senegal, Tanzania, Democratic Republic of Congo, at Guinea Bissau.

Ang CVO ay gawa mula sa isang uri ng halaman na tinatawag na Artemisia, na mayroong anti-malarial properties.

Screenshot mula sa video ng Africa News

Loading…