10 Patok na Negosyo sa panahon ng COVID-19 pandemic, ibinahagi ni Chinkee Tan

  • Nagbigay ng sampung patok na negosyo sa panahon ng COVID-19 pandemic ang sikat na financial expert na si Chinkee Tan
  • Nangunguna sa listahan ang pagbebenta ng medical supplies at pinakahuli naman ang may kinalaman sa teknolohiya
  • Sabi nga, sa kabila ng krisis ay may uusbong na pagkakataon basta’t wais at hindi gagawa ng mga bagay na hindi kanais-nais

Sino nga naman ba ang mag-aakalang hihinto ang karaniwang takbo ng buhay at galaw ng mundo sa pagpasok ng “hindi inaasahang panauhin” sa ating bansa na COVID-19 pandemic. Nagawa nitong maparalisa ang lahat lalo na ang kabuhayan at trabaho ng ilan nating mga kababayan. Mapa–negosyante at empleyado, apektado.

Ngunit sabi nga, sa kabila ng krisis ay may uusbong na pagkakataon basta’t wais. Hindi rito hihinto ang lahat basta’t maging malikhain lamang at pag-aralan ang galawan ng mga bagay-bagay. Ibinahagi ng financial expert na si Chinkee Tan ang sampung pinakapatok na negosyo ngayong panahon ng COVID-19 pandemic. Makikita ito sa kaniyang YouTube channel at naitampok pa sa award-winning news magazine show na “Kapuso Mo Jessica Soho.”

Imahe mula sa Facebook account ni Chinkee Tan

Pansampu sa listahan ang technology. Sa panahon ngayon, halos lahat ng mga tao ay nakabatay sa paggamit ng teknolohiya upang mas mapabilis ang mga gawain. Pansiyam ang remote doctor service o pagkonsulta sa doktor sa pamamagitan ng internet. Hindi na kailangan pang lumabas ng mga bahay at magtungo sa ospital, lalo’t high-risk ang lugar na ito sa posibleng pagkahawa ng virus at iba pang sakit.

Pangwalo naman ang entertainment. Pansining marami sa ngayon ang nahihirati sa paggamit ng iba’t ibang apps na nagdudulot ng  kasiyahan sa iba. Good vibes ang kailangan ng mga tao ngayon upang makaiwas sa emotional stress dulot ng mga kawalang-katiyakan sa mga nangyayari sa paligid. Pampito naman ang mga online games na talaga namang patok hindi lamang sa kabataan kundi maging sa mga nakatatanda.

Pang-anim naman ang video conferencing. Dahil nauso na “Work From Home”, karamihan sa mga meeting at conferences ngayon ay idinadaan na lamang sa mga ganitong apps, gaya ng Zoom, Google Meet, at marami pang iba. Panlima naman ang delivery services subalit ingat lamang sa mga mapagsamantala at walang konsiderasyong mga customers na matapos makapag-order ay bigla na lamang magkakansela nito.

Public Domain Image

Pang-apat naman ang lahat ng uri ng pagkain. Pangatlo ang pagkakaroon ng tindahan o groceries lalo’t namulat na ngayon ang mga tao na kailangang magtabi ng stock sa bahay, subalit hindi naman hahantong sa panic buying. Pangalawa ang pagbebenta ng mga cleaning materials, at nangunguna sa listahan, pagbebenta ng mga medical supplies gaya ng face masks, face shields, alcohol, hand sanitizers, at iba pa.

Sa kabila nito, ipinapaalala rin na huwag sasamantalahin ang pagkakataon ngayon upang patungan nang mas malaking presyo ang produkto o serbisyong gagawing negosyo, dahil mas maganda pa ring unahin ang kapakakanan ng kapwa mo sa oras ng krisis, gaya ng COVID-19 pandemic.

Samantala, panoorin ang “Tiyak Kikita! 10 Patok na Negosyo Kahit may Pandemic” ni Chinkee Tan via YouTube channel:

Loading…