12M students hindi pa nakaka-enroll: DepEd nagpaalalang sa June 30 ang deadline ng enrollment

Imahe mula sa DepEd
  • Isang buwang enrollment period sa public schools matatapos na
  • Pinaalalahanan ng DepEd ang mga magulang at estudyante na hanggang sa June 30 na lang ang pagpapalista
  • Umabot pa lang sa 15,182,075 ang mga nag-enroll, kulang pa ng mahigit 12 million base sa inaasahan ng kagawaran

Pinaalalahanan ng Department of Education (DepEd) ang mga magulang at mga estudyante na ang deadline ng one-month enrollment period sa mga pampublikong paaralan para sa school year 2020-2021 ay  sa Martes na , June 30.

Imahe mula sa DepEd

“Pinaaalalahanan ng Kagawaran ng Edukasyon ang mga nais mag-enroll sa public schools na gawin ito bago ang pagsasara ng enrollment sa Martes, Hunyo 30,” mensahe ng DepEd sa socmed account nito noong Sabado, June 27.

“Gayunpaman, tatanggap pa rin ang Kagawaran ng Learner Enrollment and Survey Form (LESF) na nai-submit gamit ang drop boxes hanggang Hunyo 30, ang deadline ng enrollment period para sa School Year 2020-2021,” ayon pa sa kagawaran.

Nasa mahigit labindalawang milyong estudyante pa ang hindi nakapagpapalista batay sa naunang sinabi noon ng DepEd na inaasahan nitong aabot sa 27.7 million ang magpapalista base sa bilang na nag-enroll noong nakalipas na school year.

Sinabi nito na ang mga nakapagpa-enroll na sa buong bansa ay may kabuuang 15,182,075. Ang 14,548,915 sa mga ito ay nag-enroll sa mga rehistradong public schools kabilang na ang mga enrollees sa Alternative Learning System.

Hinimok nito ang mga magulang na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na division office o paaralan sakaling may mga katanungan hinggil sa enrollment at iba pang inisyatibo nito para sa papasok na school year.

Maaari rin umanong magpatulong sa mga barangay sa pagsusumite ng LESF.

Dahil sa banta ng COVID-19, nagdesisyon ang DepEd na gawing online o distance learning ang paghahatid ng edukasyon sa mga mag-aaral.

Nakatakdang simulan ang school year 2020-2021 sa August 24.

Loading…