21 Chinese na ‘overstaying’ sa bansa, blacklisted ng Immigration

Imahe mula sa Philippine Primer
  • 21 Chinese national blacklisted ng Bureau of Immigration
  • Ang nasabing mga dayuhan ay ‘overstaying’ umano sa bansa
  • Hindi na maaaring bumalik sa bansa ang blacklisted na mga Chinese

MAYNILA, Pilipinas – Inilagay na sa blacklist ng Bureau of Immigration ang 21 na Chinese national na diumano’y overstaying na sa bansa; ito ang ibinahagi ni BI Commissioner Jaime Morente.

Ayon kay Morente, lumabag ang nasabing mga dayuhan sa panuntunan ng programang Visa Upon Arrival (VUA) ng gobyerno at inatasan ang mga itong lumabas ng bansa matapos mabayaran ang mga multa at parusa.

Imahe mula sa Facebook ng BI

“As a consequence of their being placed in our blacklist, these Chinese nationals are now barred from re-entering the Philippines for violating the conditions of their stay,” paliwanag ng opisyal.

Napag-alaman na magkakahiwalay na dumating sa bansa ang 21 Chinese national noong Disyembre at Enero matapos aprubahan ng BI ang kanilang aplikasyon sa VUA.

Sa ilalim ng nasabing programa, ang sinumang dayuhan na mapagkalooban ng VUA ay maaaring manatili sa bansa sa loob ng 30 araw na hindi na kailangan ang entry visa.

Imahe mula sa Facebook page ng BI

Noong Enero 8, nagpalabas ng isang circular ang Department of Justice (DOJ) na mahigpit na ipinagbabawal sa sinumang may hawak ng VUA na manatili sa Pilipinas nang higit sa 30 araw maliban na lamang kung may medical emergency o dahil sa ‘force majure’.

Tuluyang sinuspindi ng gobyerno ang programa nitong nakaraang Enero dahil sa pagkalat ng coronavirus mula sa China.

Nananatiling suspendido ang VUA upang makontrol ang pagdating ng mga dayuhan sa bansa dahil na rin sa patuloy na pagkalat ng sakit na dulot ng COVID-19.

Loading…