87 anyos na lalaking naglalakad mula Pasay hanggang Makati, nakatanggap ng bisikleta

Imahe mula sa Facebook | CARBS Motor/Bicycle Parts
  • Marami ang naantig nang makatanggap ng libreng bisikleta ang isang 87 anyos na lolo
  • Mula Pasay ay naglalakad kasi siya patungong Makati kung saan siya nagtitinda ng candy
  • Laking pasasalamat niya dahil ngayon ay hindi niya na kailangang maglakad

Labis ang pasasalamat ng isang matandang vendor nang mabigyan siya ng bisikletang kaniyang pinapangarap.

I-click ang imahe para makita ang buong post

Kuwento ng may-ari ng isang bicycle shop na si Fe Carandang, mula May 15 ay dalawang beses kada araw kung dumaan doon ang 87 anyos na si Tatay Carlos Samonte upang magtanong kung may mabibili ba siyang bisikleta.

Mula Pasay kasi ay naglalakad siya patungong Makati kung saan siya nagtitinda ng candy.

Noong nakaraang linggo ay may dumating na bisikleta na ibinebenta nila sa halagang P4,800. Muli silang tinanong ni Tatay Carlos kung puwede niya itong bihin ng P2,000.

“Kahapon, ako po mismo ang napagtanungan nya. Tinanong niya ako kung puwede niyang bilhin ng P2,000 yung bike at ang sabi ko po ay hindi po kaya [pero] nalaman ko po na araw-araw, yun ang tinatanong nya sa aming staff,” pagbabahagi ng may-ari sa isang post.

“Ngayong umaga, dumaan ulit sya para tanungin kung puwede po niyang bilhin yung bike ng P2,000,” dagdag nila. “Ngayong araw na ito, hindi po siya nabigo. Nakuha niya po yung bike na gusto niya kapalit ng isang ngiti po lamang.”

Imahe mula sa Facebook | CARBS Motor/Bicycle Parts

Sa isang panayam sa News 5 ay sinabi ni Tatay Carlos na malaking tulong sa kaniya ang bisikleta dahil dalawang oras ang kaniyang ginugugol sa paglalakad upang makapagtinda.

“Maraming salamat. Ang laking tulong nitong nagawa ninyo. Hindi na ako naglalakad,” aniya.

Dagdag pa nila sa sumunod na post, marami na ang nagpaabot ng tulong para kay Tatay Carlos.

“Sa sobrang dami po ng gustong tumulong kay Tatay, sigurado po ako na sobra sobra na ang kaniyang matatanggap. Hindi n’yo na po kailangang lumayo para tulungan si Tatay Carlos. Marami pong Tatay Carlos sa paligid ninyo,” saad nila sa post.

“Maaring bata po siya, babae, o buntis. buksan n’yo lang po ang mga mata nyo, tiyak po meron Tatay Carlos ng buhay n’yo.”

Saludo kami sa inyo, CARBS Motor/Bicycle Parts!

Panoorin dito ang video:

Loading…