ABS-CBN TV Plus tuluyan nang titigil sa pag-ere?

Imahe mula sa ABS-CBN
  • Posibleng tuluyan nang titigil sa pag-ere ang TV Plus ng ABS-CBN
  • Maaari umanong ilabas ng NTC ang CDO para dito ngayong Lunes
  • Isa raw itong malinaw na paglabag sa prangkisa ng network

Posibleng tuluyan nang hindi matutunghayan sa ere ang digital channel ng ABS-CBN  na TV Plus matapos sabihin ng National Telecommunications Commision (NTC) na ilalabas nila ngayong hapon ng Lunes ang cease and desist order (CDO) para dito.

Sa ginanap na pagdinig ng Kamara sa prangkisa ng ABS-CBN, kinuwestiyon ng ilang mambabatas ang patuloy na pag-ere ng mga programa ng network sa Channel 43 ng TV Plus. Ang frequency ng Channel 43 ay pag-aari ng AMCARA Broadcasting Network at gumagamit din ng prangkisa ng ABS-CBN na pumaso na noong Mayo 5.

Paliwanag ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, hindi ito dapat ginagawa ng ABS-CBN dahil paso na nga ang nasabing prangkisa at ito ay malinaw na paglabag sa CDO.

Imahe screenshot via You Tube

Subalit dahil nga kinuwestiyon ng ABS-CBN sa Korte Suprema, minabuti umano nilang hingin muna ang payo ng Office of the Solicitor General (OSG) tungkol sa bagay na ito.

“Ang sabi po ng Office of the Solicitor General is tama nga, kasama nga po ito at puwede po kaming mag-issue ng alias cease-and-desist order,” paliwanag ni Gamaliel. “Dahil kakatanggap lang po namin kaninang umaga, inaaral na po ng aming legal department at kung saka-sakaling okay naman po ang kanilang pag-aaral, we will issue forthwith iyong aming alias cease-and-desist order.”

Imahe mula sa You Tube

Bagama’t hiniling ni CEO and President Carlo Katigbak sa Kamara na payagang magpatuloy ang kanilang operasyon dahil dati naman umano itong ginagawa ng NTC sa ibang prangkisa na nakasalang sa pagdinig, iginiit nina Rep Mike Defensor at Rep. Crispin ‘Boying’ Remulla na paglabag ito sa prangkisa.

Muli namang tinanong ni Remulla si Gamaliel kung ilalabas na ng NTC ang CDO base sa payo ng OSG.

“Ang commitment mo ngayong hapon, ihihinto mo lahat ng programa at ilalabas mo iyang alias CDO na iyan sa kadahilanang iyan din ang advice sa iyo ng Solicitor General?” tanong ng mambabatas na sinagot naman ni Gamaliel ng may pagsang-ayon.

Loading…