Alamin kung bakit hindi pabor si Mayor Isko Moreno na magkaroon ng bike lanes sa Maynila

Screenshot mula sa video ng Infinitri Creatives
  • Yorme tutol na magkaroon ng bike lanes sa Maynila
  • Hindi siya tutol sa ideya ng bike lane, pero dapat raw muna magkaroon ng masusi at mahabang pag-aaral para rito
  • Sa Netherlands daw, ang highly successful bike system doon ay bunga ng mahabang pag-aaral na inabot ng isang dekada

Kung siya lang ang masusunod, hindi gugustuhin ni Manila City Mayor Isko Moreno na magkaroon ng mga bike lanes sa Lungsod ng Maynila.

Screenshot mula sa video ni DaveSpencer32

Sinabi ni Mayor Isko ang kanyang mga kadahilanan kung bakit hindi niya nais magkaroon ng bike lanes sa lungsod. Ito ay inilathala sa Opinions and Editorials page ng Manila Bulletin noong June 21, 2020. Pinamagatan itong “ Why I’m half-hearted about setting-up bike lanes in Manila.”

Sa nasabing artikulo, ipinauna na ni Yorme na walang kuwestyon, susundin ng city government ang national government kung magdesisyon ito na maglagay ng bike lanes sa Lungsod ng Maynila.

“There’s no question about it. The city government of Manila will readily comply once the national government finally decides to set up bike lanes in the city,” aniya.

Subalit kung ang desisyon ay ibibigay sa mga local government units, pasensyahan na raw ngunit wala siyang balak na maglagay ng bike lanes sa lungsod.

Mas gugustuhin niya raw na makita ang mga taga-lungsod na pumipila sa public transportation kaysa habangbuhay na magkaroon ng kapansanan o mas malala – mapahamak dahil lang pinayagan niyang magbisikleta ang mga ito sa kabila ng mga panganib na kanilang kinahaharap.

Screenshot mula sa video ng Infinitri Creatives

“Let me be blatant about this issue. We are just not ready for this particular move. The bikers, the motorists, truck drivers, and the public in general are not ready and it would take rigorous orientation to make them fully comprehend what may lie ahead,” sabi ni Yorme.

Aniya, araw-araw ay 4,000 trucks ang bumabaybay sa mga lansangan ng Maynila.

“By trucks, I do not mean ordinary ones. I am referring to the gargantuan 40-foot trucks, not to mention the regular vehicles. I shudder at the thought of bicycles having to contend with this challenge daily,” sabi niya.

Inisa-isa pa nga niya sa kanyang artikulo ang ilang mga katanungan na bumabagabag na dahilan kaya nag-aatubili siyang payagan ang bike lane sa kanyang nasasakupan.

Imahe mula sa DZMM

Hindi naman siya kontra sa ideya, ngunit kailangan daw munang gumawa ng masusing pag-aaral at pagpaplano.

Inihalimbawa niya ang nagbibisikletang doktora na nadisgrasya matapos mahagip ng malaking truck sa kasagsagan  ng enhanced community quarantine (ECQ) kung kailan maluwag ang mga kalsada dahil kakaunti ang bumibiyaheng mga sasakyan.

Sabi ni Yorme, nagtungo siya noon sa Netherlands at nakita niya roon ang highly successful bike system kung saan walang aksidenteng nagaganap. Ang sistema ay bunga raw ng masusi at mahabang pag-aaral na inabot ng hindi bababa sa isang dekada, kung saan isinaalang-alang ang lahat ng aspeto ng mga isyung kinahaharap.

Ang paglalagay ng bike lanes sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila ay isinasagawa ngayon ng pamahalaan dahil sa kakulangan ng mga pampublikong sasakyan bunsod ng umiiral na quarantine rules dahil sa COVID-19 pandemic.

Loading…