Ama mula sa Cavite, ginamit ang ipon para tuparin ang hiling na anak na bagong cellphone

  • Labis na hinangaan ang pagmamahal ng isang ama mula sa Cavite para sa kaniyang anak na lalaki
  • Ginamit kasi nito ang kaniyang naipon mula sa pagiging pahinante at pamamasada para mabilhan ang anak ng regalo sa kaniyang graduation
  • Marami naman ang natuwa sa simpleng kaligayahan ng mag-ama kaya agad na nag-viral ang post sa social media

Iba-iba ang paraan ng mga magulang para ipakita ang kanilang pagmamahal sa kanilang mga anak.

Imahe mula kay Edwin Bayson | Facebook

Sa social media, labis na hinangaan ang isang ama mula sa Cavite matapos nitong ibahagi ang kaniyang nakatutuwa ngunit makatotohanang sakripisyo upang maibigay ang matagal nang kahilingan ng kaniyang anak.

Sa post ng netizen na kinilalang si Edwin Bayson noong June 12, ibinahagi nito ang pinaghandaang regalo para sa graduation ng kaniyang anak na lalaki.

“Congrats ‘nak, ayan pinag-ipunan ko talaga ‘yan para sa graduation mo,” aniya.

“Ilang alak hindi ko ininom makaipon lang ng pambili ng cp mo na matagal mo nang hinihingi,” dagdag ni Edwin sa post.

Makikita sa post ang larawan ng mag-ama kasama ang bagong cellphone na binili ni Edwin mula sa kaniyang ipon bilang regalo sa anak na nakapagtapos ng 2-year program sa isang paaralan.

Ayon pa sa asawa niyang si Rowena, dating pahinante o delivery truck worker si Edwin. Ngayon naman ay naghahanapbuhay ito bilang tricycle driver.

Marami naman ang natuwa sa simpleng kaligayahan ng mag-ama kaya agad na nag-viral ang post sa social media. Sa katunayan, umani na nang higit 75,000 reactions ang post habang nasa lagpas 31,000 na ang nag-share nito sa Facebook.

Nagpahayag naman ng kanilang paghanga at saloobin ang ilang netizens sa comment section ng naturang post.

“Sweet naman. Sana all ganiyan tatay, ‘yung gagawin lahat para sa anak. Mapasaya lang anak nila, masaya na sila,” sabi ni MYB.

Imahe mula kay Edwin Bayson | Facebook

“Nice. Ingatan mo ‘yan nang mabuti dahil pinaghirapan iyan ng mga magulang mo. Suklian mo sila sa pamamagitan ng pag-aaral nang mabuti, pagkakaraon ng magandang kinabukasan, at higit sa lahat ay pagmamahal para sa kanila. Magpasalamat ka sa kanila dahil mahal na mahal ka nila,” payo ni VQ kay Derwin.

“Sana all may mapagmahal na ama. God bless po,” sabi naman ni YY.

“Natawa ako sa ilang alak ang ‘di ininom. Hahahaha, ang sweeeet. God bless sa inyo. Keep up the good work,” ayon naman kay IM.

Loading…