Amerikanong stranded sa Cebu dahil sa pandemic, kinupkop ng isang pamilya nang halos 4 months

Screenshot mula sa video ni Dustin Borglin
  • Isang American backpacker ang kinupkop ng isang pamilya sa malayong barangay sa Toledo City
  • Na-stranded si Dustin Borglin nang magdeklara ng lockdown ang pamahalaan dahil sa COVID-19 outbreak
  • Bilang ganti sa kabutihang ipinakita sa kanya ay ipinaayos ng Amerikano ang bahay ng kumupkop sa kanya

Isang Amerikano ang na-stranded sa isang malayong barangay sa Toledo City sa Cebu nang magdeklara ng mahigpit na lockdown sa bansa. Isang pamilya ang kumupkop sa kanya. Halos apat na buwan na siya ngayong nakikipanirahan doon.

Screenshot mula sa video ni Dustin Borglin

Si Dustin Borglin ay isang backpacker o traveler na maraming beses nang nagpapabalik-balik sa Pilipinas. Ayon sa kanya, apat na taon na siyang nagpapabalik-balik sa bansa. Sa isang livestreamed video, sinabi niya kung bakit siya tumagal ng halos apat na buwan sa bansa nang tanungin siya ng isang viewer ng video.

Aniya, hanggang isang linggo lang ang balak niyang itagal sa Toledo City, subalit inabot siya doon ng pagdedeklara ng mahigpit na lockdown. Wala raw siyang masakyan patungo sa pinakamalapit na hotel na ilang milya ang layo mula sa kinaroroonan niyang barangay.

Isang pamilya ang nagmagandang-loob na patirahin siya nang libre sa kanilang bahay.

Kuwento ni Dustin, noong nakaraang taon pa niya nakilala ang padre de pamilya ng tahanan, si Raymund. Nakalaro niya na raw ito noon sa basketball. Sa tuwing umuuwi siya sa America ay paminsan-minsan daw silang nagkakamustahan sa pamamagitan ng Facebook.

Screenshot mula sa video ni Dustin Borglin

Hindi inakala ni Dustin na magtatagal ang travel restrictions. Hanggang ngayon ay hindi pa raw niya alam kung hanggang kalian siya mananatili sa bahay ng pamilya ni Raymund.

Bilang ganti sa kabutihan ng mga bagong kaibigan, ipinaayos ni Dustin ang bahay ng mga ito. Namigay rin siya ng mga grocery items sa ilang kapitbahay na nakagaanang-loob na niya.

Umaasa  si Dustin na sa susunod na buwan ay makauuwi na siya sa America.

Screenshot mula sa video ni Dustin Borglin

Tara na’t silipin ang bahay ng pamilyang pinakituluyan niya sa Toledo City sa video na ibinahagi ng SCMP via YouTube:

Source :

SCMP, YouTube

Loading…