Asian Drama King: Sino para sa iyo ang pinakamahusay na gumanap na leader ng F4?

  • Iba’t ibang F4 series ang napanood sa bansa katulad ng Meteor Garden, Hana Yori Dango, at Boys Over Flowers
  • Dahil dito, isang poll ang ginawa ng FB group na We Are 2Ks para kilalanin kung sino ang pinakamahusay na F4 leader
  • Kanya-kanyang pambato ang mga netizens sa tatlong aktor na pinagpilian habang ang iba naman ay hindi makapili

Naging record-breaking ang pagdating ng grupong F4 sa telebisyon dito sa bansa. Noong 2003, unang napanood ang bersiyon mula sa Taiwan na pinamagatang Meteor Garden. At dahil sa popularidad ng nasabing Asian drama, sa mga sumunod na taon ay ipinalabas din sa Pilipinas ang iba pang bersiyon nito mula sa iba pang bansa sa Asya.

Sunod na ipinalabas sa bansa ang 2005 version ng Japan ng istorya ng F4 sa pamamagitan ng seryeng Hana Yori Dango. Sa GMA Network ito umere na sinubaybayan ng mga fans. Noong 2009 naman, ang Korean version nito ang umere sa ABS-CBN na pinamagatang Boys Over Flowers.

Larawang nire-upload ni Mey Chua sa We Are 2k FB group

Lahat ng bersiyon na ito ay pinag-usapan at nakaani ang iba’t ibang bersiyon ng F4 ng kani-kanilang fan base. At ilang taon mula nang ipalabas ang mga F4 series na ito, isang munting poll ang ginawa ng mga batang 90s at 2000s para kilalanin kung sino ang pinakamahusay na gumanap sa papel na leader ng F4.

Sa Facebook group na We are 2k, nagpa-survey ang netizen na si Mey Chua kung sino ba ang pinakamahusay na gumanap na pinuno o lead role sa mga F4 series na napanood natin dito sa Pilipinas. Kabilang sa mga pagpipilian ay sina Jerry Yan na gumanap na Dao Ming Si, Jun Matsumoto bilang Domyouji Tsukasa, at Lee Min-ho bilang Gu Jun-pyo.

Kanya-kanyang opinyon ang bawat fan ng mga naging pinuno ng F4 sa kani-kanilang serye. Si Jerry ang nanguna sa poll habang isinusulat ang istoryang ito. Ayon sa fans, siya raw ang masasabing original na leader ng F4 at convincing ang naging acting niya sa serye.

Nasa ikalawang puwesto naman sa poll ng mga batang 2ks ay ang Japanese actor na si Jun. Nagustuhan daw kasi nila ang kabuuan ng serye na ito mula sa Japan at naging mahusay din ang pagganap ni Jun sa nasabing serye.

Larawang nire-upload ni Mey Chua sa We Are 2k FB group

Panghuli man sa poll ang aktor na si Lee Min-ho, masasabing siya ang pinakasikat sa tatlong F4 leader dahil sa iba pang serye niyang naipalabas sa bansa. Sa kasalukuyan, marami ang humahanga sa kanya sa pagganap niya sa seryeng The King: Eternal Monarch.

Siyempre, mayroong mga netizens na na-appreciate ang pagganap ng tatlong aktor kaya naman wala silang mapili kung sino ang pinakamagaling dahil pantay-pantay daw ang husay nila sa magkakaibang seryeng kinabilangan.

Ikaw, sino ang best F4 leader para sa iyo?

Loading…