Astig ka kid! Batang nag-ala Spider-Man sa kanyang crib, trending ngayon sa social media

  • Usap-usapan ngayon sa social media ang larawan ng isang astiging bata na ginaya ang idolo niyang si Spider-Man
  • Kahit musmos pa lamang ay nag-ala Spider-Man ito sa ibabaw ng kanyang kuna na umani ng iba’t ibang reaksiyon
  • Marami ang namangha sa lakas ng bata habang ang ilan naman ay nabahala dahil maaaring mapahamak ang bata sa ginawa

Patok sa mga kabataan ang mga character na may kinalaman sa mga superhero. Kahit musmos pa at hindi lubusang nauunawaan ang pakikipagsapalaran ng mga kakaibang bayaning ito sa mga panoorin, ay talaga naman kinabibiliban at kinaaaliwan pa rin ito.

Isa sa mga patunay na idol ng mga bata ang mga superhero ay ang paggaya nila dito. Maaaring ang pananalita, ang aksiyon, o ang kasuotan ang ginagaya ng mga bata para ma-achieve ang katulad na katauhan ng kanilang mga idolo.

Larawan mula sa Facebook post ni Jexel

Sa isang viral na larawan nga sa social media, makikita ang isang bata na ginagaya ang kaniyang paboritong character na si Spider-Man na nagpabilib, nagpasaya, at nagbigay ng halo-halong emosyon sa mga netizen ngayon.

Sa Facebook post ni Jexell, makikita ang larawan ng isang batang lalaki na ginagaya ang signature position ng comic hero na si Spider-Man. Umakto ang bata na parang si Peter Parker sa ibabaw ng kanyang crib. Kuhang-kuha ng bata ang porma ni Spider-Man kaya naman patok online ang kanyang larawan.

Dahil dito, umabot na sa higit 12,000 reactions na karamihan ay ‘haha,’ 4,400 comments, at 41,000 shares ang larawan. Iba-iba naman ang naging reaksiyon ng mga netizen sa ginawang ito ng bata.

Ayon sa ilan, nakamamangha raw ang tikas ng batang ito at maaaring siya na raw ang susunod na gaganap na Spider-Man sa mga pelikula. Bagaman may agam-agam ang iba na edited ang larawan, namangha pa rin sila sa posibilidad na totoo ito at kinaya ng bata na pumatong sa kanyang crib.

Larawan mula sa YouTube

Ang ilang magulang naman, sinabing relate sila sa larawan. Tulad kasi ng bata, idol din ng mga anak nila si Spider-Man at patuloy na ginagaya ito hanggang sa kasalukuyan. Nag-share din ang ilang ina ng larawan ng kanilang anak habang suot ang Spider-Man costume at mask.

Kinabahan naman ang ilang nanay sa larawan. Hindi nila maiwasang mangamba para sa kaligtasan ng bata sa larawan dahil isang maling galaw lang daw nito ay maaaring mapahamak ang bata, kung sakaling authentic man daw ang larawan.

Loading…