Barangay sa Cebu City nagdaos ng prusisyon, street dancing sa gitna ng ECQ; organizers kakasuhan

Imahe mula sa isang concerned citizen ng Cebu City via CNN PH
  • Prusisyon at street dancing idinaos sa isang barangay sa Cebu City sa gitna ng ECQ
  • Mga barangay officials pinagpapaliwanag ni Mayor Edgar Labella
  • Itinanggi ng barangay chairman ng lugar na pinayagan nila ang pagdaraos ng prusisyon

Daan-daang residente ang nagtipon sa lansangan upang lumahok sa prusisyon at street dancing na idinaos sa Sitio Alumnos sa Barangay Basak San Nicolas noong Sabado, June 27, sa gitna ng ipinatutupad na enhanced community quarantine kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang paglabas ng mga tahanan.

Imahe mula sa isang concerned citizen ng Cebu City via CNN PH

Idinaos ang prusisyon at Sinulog dancing bilang parangal kay San Juan Bautista at Señor Sto. Niño. Napakaraming residente rin umano ang lumabas ng kanilang mga tahanan upang saksihan ang pagdiriwang.

Ang naturang barangay ay isa sa may pinakamaraming COVID-19 cases sa Cebu City – 90 cases.

Pinagpapaliwanag na ni Mayor Edgar Labella ang mga opisyal ng Barangay Basak San Nicolas kabilang ang chairman nito na si Norman Navarro. Binigyan ng alkalde ng 24 oras na palugit ang mga opisyal ng barangay upang magpaliwanag.

“I have tasked Atty. Rey Gealon, our City Legal Chief, to investigate the holding of a fiesta celebration in Sitio Alumnos despite a directive strictly prohibiting mass gatherings,” anang alkalde.

Sinabi naman ni Atty. Gealon na ang mass gathering ay hinayaang magpatuloy nang wala man lang na ginawang pagtutol ang mga barangay officials.

“It is apparent from the occurrence that the barangay has been too complacent in implementing the clear mandate of the law and has been negligent in its duty,” aniya.

Imahe mula sa Barangay Basak San Nicolas Facebook page

Itinanggi naman ni Barangay Chairman Norman Navarro na pinayagan nila ang religious activity. Aniya, ipinatawag na nila ang mga organizers upang pagpaliwanagin.

Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon hinggil sa insidente ang Central Visayas Police. Plano nitong sampahan ng kaso ang mga organizers.

Loading…