Batang lalaki ibinebenta ng P20 kada isa ang kaniyang mga medalya para makatulong sa ina

Imahe mula sa YouTube | KMJS
  • Ibebenta sana ng siyam na taong gulang na si Kenneth Pangilinan ang kaniyang mga medalya sa halagang P20 bawat isa
  • Nakita kasi niyang hirap ang kaniyang ina sa pagtustos sa kanilang mga pangangailangan ngayong may pandemya
  • Ngunit marami ang naantig sa kaniyang kuwento at nagtulungan upang mahandugan sila ng tulong

Nakahanda na ang siyam na taong gulang na si Kenneth Pangilinan na ibenta sa halagang P20 bawat isa ang kaniyang 50 medalya upang makatulong sa kaniyang ina. Ngunit dahil sa tulong ng mga may mabuting kalooban ay hindi niya na kailangan pang gawin ito.

Imahe mula sa YouTube | KMJS

Sa panayam ng Kapuso mo, Jessica Soho (KMJS) sa Grade 4 pupil na si Kenneth, sinabi nitong ayaw niyang makitang nahihirapan ang kaniyang inang si Cherryl Mendoza na dating nagtatrabaho bilang lady guard ngunit nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.

“Gusto kong ibenta yung medals ko kasi nahihirapan na si Mama nang sobra. Pinaghirapan ko po makuha yung medals pero ayoko pong nahihirapan si Mama,” sabi ni Kenneth.

Dagdag niya pa, nag-aalala siyang kung hindi sila makababayad ng upa sa bahay ay paalisin sila ng may-ari.

Isa pang problemang kanilang kinahaharap ay ang posibilidad na hindi muna makapag-enroll si Kenneth at ang kaniyang kapatid kung online ang gagawing klase dahil wala naman silang laptop at Internet connection.

Imahe mula sa YouTube | KMJS

Marami ang naantig sa kuwento ng bata kaya naman nagtulungan sila sa pag-abot ng donasyon upang huwag nang ibenta ni Kenneth ang kaniyang mga medalya.

Para naman makapag-aral pa rin sa darating na pasukan, hinandugan ng frontliner na doktor na si Dr. Khristian Santos ng laptop si Kenneth.

“Medals pala ‘yung binebenta niya. [Naisip ko], may potential despite ‘yung status. Mas makatutulong na ma-enhance niya pa ang knowledge niya gamit yung laptop,” sabi ng doktor. Sinagot naman ng KMJS ang wifi connection niya.

“Nakatutuwa. Hindi ko expected na mayroong mga may malasakit kahit hindi kadugo. Sobrang laking pasasalamat ko sa mga taong may ginintuang puso,” ani Cherryl.

Mensahe naman niya sa anak na si Kenneth: “Mag-aral ka nang mabuti para matupad lahat ng pangarap mo.”

Panoorin ang episode ng KMJS dito:

Source :

YouTube, Facebook

Loading…