Batang Pinay na iniwan sa UAE, umapela ng tulong para mahanap ang ina

Imahe mula sa Gulf News
  • Humihingi ng tulong ang batang Pinay na iniwan ng kaniyang ina sa UAE
  • Nasa pangangalaga ngayon ng isang Pilipina sa Ajman ang bata
  • Hinahanap na umano ng DSWD ang nanay ng bata na nakatira sa Kalookan

Humihingi ng tulong ang isang 8-anyos na batang Pinay na pinabayaan ng kaniyang nanay sa Unite Arab Emirates (UAE) halos dalawang taon na ang nakararaan.

Ayon sa ulat na lumabas sa Gulf News, ang bata ay kasalukuyang nakatira sa isa ring Filipina na kumupkop sa kaniya sa Ajman at gustong gawing legal ang pag-ampon sa bata.

Zuhra Unas| Imahe mula sa YT video

Ang bata, na nakilala lang bilang si ‘Mutya’, ay nasa pangangalaga ngayon ni Zuhra Unas na siyang dumulog sa konsulada at tumawag sa grupong Global Overseas Filipino Workers (OFW) Helpline para hanapin ang ina ng bata.

Si ‘Mutya’ ay iniwan umano ng kaniyang inang si Emelyn Gumarang, 45 anyos, matapos itong umalis sa UAE sa kasagsagan ng amnesty noong Oktubre 2018 base na rin sa rekord ng konsulada. Ang bata ay pinaniniwalaang ipinagbuntis ni Gumarang sa lalaking nakarelasyon nito at hindi naging legal ang pagsasama.

Sa panayam kay Zuhra, sinabi nitong napamahal na sa kaniya si ‘Mutya’ at nais niya itong ampunin nang legal.

Matalino, magalang at malusog umanong bata si ‘Mutya’ sa kabila ng kabiguan nitong mag-aral dahil sa kakulangan ng dokumento.

Subalit maaari lamang umano mangyari ang pag-ampon sa bata kung wala itong kamag-anak na nais umaruga sa kaniya, ayon na rin sa kasalukuyang batas ng Pilipinas.

Attache Judith Bacwaden| Imahe mula sa YT video

Sa panayam naman kay Dubai Social Welfare Attache Judith Bacwaden, sinabi ng opisyal na humingi na sila ng tulong sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para mahanap sa Pilipinas si Emelyn Gumarang na may sarili na umanong pamilya at pinaniniwalaang nakatira sa Brgy. 27 ng Caloocan City.

Nanawagan din si Bacwaden kay Gumarang na humarap sa DSWD-NCR para malaman kung ano kaniyang plano sa bata at upang masimulan na ang proseso ng pag-ampon kabilang na ang pagkuha ng DNA sample at maipadala ito sa UAE.

Ayon naman kay  Consul-General Paul Raymund Cortes, tinututukan na nila ang kaso ni ‘Mutya’ at hinihintay rin nilang lumabas si Gumarang upang kilalanin ang kaniyang iniwang anak.

Video:

Loading…