Bato umalma matapos isangkot ang Duterte admin sa kaso ni Maria Ressa

Imahe mula sa Facebook page nina Dela Rosa/Maria Ressa
  • Pumalag si Dela Rosa sa paratang na may kinalaman ang Duterte admin sa kaso ni Ressa
  • Ang hatol umano ay mula sa isang malayang korte
  • Wala rin daw pag-atake sa kalayaan ng mga mamamahayag, ayon sa senador

MAYNILA, Pilipinas – Inalmahan ni Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang paratang ng oposisyon na may kinalaman ang kasalukuyang administrasyon sa kinahantungan ng kaso ni Rappler CEO Maria Ressa.

Nitong Lunes, ika-15 ng Hunyo, inilabas ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 46 ang hatol sa kasong cyber libel laban kay Ressa kung saan napatunayan nitong nagkasala ang opisyal ng Rappler at ang researcher ng online media outlet na si Reynaldo Santos Jr.

Imahe mula sa Senator Ronald “Bato” Dela Rosa

Ang nasabing kaso ay isinampa ng negosyanteng si Michael Keng laban sa dalawa na tungkol sa isang artikulo noong 2012 na nag-uugnay sa huli sa namayapang si dating Chief Justice Renato Corona.

Ayon kay Dela Rosa, kilalang malapit kay Pangulong Rodrigo Duterte, ang hatol ay isang ‘independent decision’ ng isang korte base sa reklamo ng isang pribadong mamamayan.

“So it is so foul on the part of the critics to keep on dragging the Duterte administration into this issue,” wika ng senador.

Imahe mula sa Facebook page ni Maria Ressa

Matapos maibaba ang hatol, inudyukan ng ilang kritiko ng kasalukuyang administrasyon ang mga tao na magsalita na laban umano sa patuloy na panggigipit at pagpapatahimik ng pamahalan sa mga pumupuna rito.

Maging ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ay itinuturing na pananakot sa mga kawani ng media ang kasong tulad ng nangyari kay Maria Ressa.

Ngunit hindi ito ang ang naging saloobin ni Dela Rosa.

“Attack on press freedom? Tell it to the marines!” wika nito.

Samantala, hinimok naman nina Senador Panfilo Lacson at Senate President Vicente Sotto III si Ressa na iapela nito ang kaso sa Court of Appeals o maging sa Korte Suprema kung kinakailangan.

Sina Ressa at Santos ay kasalukuyang nakalabas matapos maglagak ng piyansa na nagkakahalaga ng P400,000.

Loading…