Bayanihan 2 mukhang kakailanganin ni Du30, ani Roque; sertipikahan nang urgent, sabi ni Angara

  • Isa pang Bayanihan law, mukhang kakailanganin umano ng Pangulo
  • Pinag-aaralan na ang halaga ng stimulus package na ilalakip sa panibagong batas
  • Ibinida ni Spokesperson Harry Roque ang mga nagawa ng pamahalaan sa ilalim ng Bayanihan To Heal As One Act

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na mukhang kakailanganin ng isa pang Bayanihan law para sa patuloy na hakbang ng gobyerno kontra COVID-19 at matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan partikular sa mga apektado ang pangkabuhayan.

Image by Rody Duterte via Facebook

Pahayag ni Roque, magpapatawag ng espesyal na sesyon sa Kamara si Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga panibagong hakbang na gagawin kagaya ng stimulus package.

Magaganap umano ang sesyon oras na mapagkasunduan na ang halaga ng stimulus package.

Ipinagmalaki ni Roque ang mga nagawa ng pamahalaan sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act lalo na sa pag-maximize ng government sources.

Dahil dito, sabi ng Spokesperson, nasa 12-milyon hanggang 18-milyon na pamilya ang nakatanggap ng assistance sa ilalim ng social amelioration program.

Kasama pa nito ang tulong subsidiya mula sa mga ahensya ng gobyerno kagaya ng Department of Agriculture, Department of Labor and Employment at Overseas Workers Welfare Administration.

Hindi rin daw nagkulang ang pamahalaan sa medical supplies. Napabilis ng Bayanihan Act, aniya, ang maayos na pagbili ng mga materyales na kakailanganin nang hindi na kailangang dumaan sa mga karaniwang paghihigpit at restriksyon ng Government Procurement Act at Commission on Audit.

Sa ilalim kasi ng Bayanihan Act, nagkaroon ng emergency powers ang pangulo para makapag re-allign at re-allocate ng pondo para mas maayos at mabilis na matugunan ang problema sa COVID-19.

Samantala, giit ni Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara na sertipikahan nang urgent ng Malakanyang ang Bayanihan To Recover As One Act.

Wika nito, nakapasa na ang bill sa second reading ilang linggo na ang nakaraan at mayroong P140-bilyong pondo bilang pagtalima sa hiling ng Department of Finance. Napagkasunduan din na magkakaroon ng panibagong stimulus package kung mag-iimprove ang finances ng bansa.

“The House passed its version of Bayanihan 2 at the committee level. Without any certification of urgency there can be no legislative action until after the President’s (State of the Nation Address).”

Image by Sonny Angara via Facebook

Loading…