Bello: “Pondo ng OWWA para sa OFW, ‘wag nang galawin”

Imahe via OWWA Facebook
  • Hinimok ni Bello ang OWWA na ‘wag nang galawin ang pondo ng mga OFW
  • Dapat daw ay ilaan ito sa mga kababayan nating uuwi upang makapagsimulang muli
  • Humingi na ng saklolo ang OWWA dahil sa paubos nitong pondo

MAYNILA, Pilipinas – Kung si Labor Secretary Silvestro Bello III lamang ang masusunod, nais ng kalihim na huwag na munang galawin ang pondo ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na unti-unti nang nauubos dahil sa repatriation ng mga OFW mula sa iba’t-ibang bansa.

Magugunitang ibinunyag ni OWWA chief Hans Leo Cacdac kamakailan na ang P18.79-B na pondo ng ahensiya ay magiging P10-B na lamang sa katapusang ng taon at P1-B na lang sa katapusan ng 2021. Ang pera umano ay siyang ginagamit ngayon para sa repatriation ng libo-libong Pinoy sa abroad.

OWWA chief Cacdac| Imahe via OWWA Facebook

“They are sending more than $30 billion a year sa atin. Nakakatulong sa ekonomiya natin. Kaya naman, for once, pay back naman tayo. ‘Wag nating galawin ‘yung pera nila,” ani Bello sa isang panayam sa DZMM Teleradyo.

Dapat umanong ilaan ang pondong ito para sa kabuhayan at iba pang pangangailangan ng mga nagbabalik nating mga kababayan tulad na lamang halimbawa ng mga nagpaplanong magsimula ng negosyo o kaya ay para sa edukasyon ng kanilang mga anak.

Sa halip, wika ng kalihim, ang gobyerno dapat ang magbigay ng pera sa OWWA upang hindi na magalaw ang pondong pinaghirapan ng mga OFW lalo na sa panahong ito.

Sec. Bello| Imahe via DOLE Facebook

“Dapat gobyerno ang magbigay ng pera para matiyak natin na lahat ng kailangan ng ating mga OFW ay matugunan natin… Bakit naman, for the first time na hihingi naman sila ng tulong, nangangailangan sila ng tulong, bakit naman kailangan nating galawin yung pondo nila?” anito.

Samantala, humiling na sa Kongreso ang OWWA ng karagdagang P5-B para suportahan ang patuloy na repatriation program ng mga OFW.

Inamin naman ni Bello sa Kamara na malabong mapauwi lahat ng OFW kahit pa maglaan ng malaking pondo para sa repatriation dahil na rin sa sariling regulasyon ng mga bansa kung saan sila naroon sa gitna ng pinaiiral na lockdown bunsod ng kasalukuyang pandemiya.

Loading…