Bunga ng pagkamalikhain: Cake na akala mo’y paso ng bulaklak, nagpatakam at nagpamangha sa netizens

  • Nagpamangha sa netizens ang cake na dinisenyo upang magmukhang isang paso ng halaman
  • Likha ito ng may-ari ng isang cake customization shop sa Bulacan bilang regalo sa kapatid
  • Hindi pa nga makapaniwala ang ilan na cake ito dahil mukha talaga itong totoong paso ng halaman

Sabi nila, bukod raw sa pagiging madiskarte at magiliw sa mga customer, isa raw sa sikreto para magtagumpay ang isang negosyo ay ang pagkamalikhain. Sa pamamagitan nito, mas lumulutang ang bawat produkto at serbisyong ginagawa at nakukuha nito ang atensiyon ng mga mamimili at mga taong ngayon pa lamang malalaman ang produkto mo.

Ganito ang pinatunayan ng may-ari ng isang cake customization shop. Maliban sa mga tipikal na disenyo ng cake na nauuso ngayon, lumikha siya ng isang disenyo na naging sanhi ng halo-halong pagkamangha, pagkalito, at pagkatakam sa kanyang mga kaibigan at parokyano.

Larawan mula sa Facebook post ni Belya-Mercado de Jesus

In-upload ng may-ari at baker ng My Bellaved Sweet Treat na si Belya Mercado-de Jesus sa kanyang Facebook account ang mga larawan ng ginawa niyang cake para sa kapatid. Nag-trending ito dahil sa disenyo nito na animo’y isang malaking paso talaga ng halaman.

May nakatarak kasi sa paso na isang rosas, kasama ang ilang sanga ng mint plant. Nakapagdagdag pa sa ilusyon na totoong paso ito dahil sa chocolate na pinagpapatungan ng mga halaman na parang totoong lupa talaga.

Para patunayan sa post na ito ay isang cake, ipinakita ni Belya ang sliced nang bahagi ng cake. Dito ay nalahad na edible na disenyo ang mismong paso ng cake, maging ang parang lupa sa loob nito. Nakadagdag din sa ganda ng nakatatakam na obra ang anim na maliliit na mint plants na nakalagay sa plastic cups.

Dahil sa napakahusay na pagkakagawa ng cake, maraming netizens ang na-wow mali at namangha sa gawa ni Belya na dagsa ang parokyano dahil sa mahusay niyang customized cakes. Ang ilan, hindi pa rin makapaniwala at panay ang tanong kay Belya kung cake ba ito o halaman talaga.

Larawan mula sa Facebook post ni Belya-Mercado de Jesus

“Cake yan???? Galing!” sabi ng isang netizen, “So very nice! Pagawan mo rin ako ng cake.”

Marami naman sa friends ni Belya sa social media ang galing na galing sa obrang ito. Sabi nila, kapag daw magpapagawa sila ng cake, siguradong sa My Bellaved Sweet Treat na raw sila pupunta.

Loading…