Cebu City ibinalik sa ECQ; Metro Manila, iba pang lugar mananatili sa GCQ hanggang June 30

  • Cebu City ibinalik sa mahigpit na ECQ
  • Metro Manila at ilan pang lugar mananatili sa GCQ hanggang sa June 30
  • Ang desisyon ay batay sa case doubling rate, kapasidad ng health care system sa kayanin ang malulubhang kaso ng COVID-19, at ang lagay ng ekonomiya

Ibinalik sa pinakamahigpit na enhanced community quarantine (ECQ) ang Cebu City dahil sa patuloy na pagdami ng mga bagong kaso ng COVID-19 infections at malawakang community transmission sa maraming barangay sa siyudad.

Imahe mula sa PNA

Mananatili naman sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) hanggang June 30 ang Metro Manila at iba pang lugar kabilang ang buong CALABARZON Region (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Santiago City sa Cagayan Valley (Region 2); Aurora, Bataan, Bulacan, Tarlac, Olongapo City sa Central Luzon (Region 3); at Occidental Mindoro (Region 4-B).

Ang iba pang lugar sa bansa ay mananatili sa modified GCQ hanggang June 30.

Ibinahagi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang desisyon sa klasipikasyon ng mga community quarantine na ipinatupad ay batay sa case doubling rate o kung gaano kabilis ang pagkalat ng virus; ang kapasidad ng health care system na kayanin ang malulubhang COVID-19 cases, at ang lagay ng ekonomiya ng bansa.

Bago inilabas ang bagong quarantine classification, nauna nang nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte na ang pagbabalik sa mahigpit na ECQ ay malaking posibilidad kung bibilis ang pagkalat ng coronavirus.

Screenshot mula sa video ng Inquirer

Sa report niya noong June 8, sinabi ng Pangulo na 366,423 pa lang ang na-testing sa COVID-19. Katumbas ito ng 0.0003% ng populasyon ng bansa.

Ayon sa Department of Health, target nitong maisailalim sa testing ang 1.5% ng populasyon.

Noong nakaraang linggo, nagbabala ang isang grupo ng researchers sa University of the Philippines na posibleng umabot sa 40,000 ang COVID-19 cases sa bansa pagdating ng June 30 kung magpapatuloy ang trend sa datos ng COVID-19. Ipanayo ng grupo na hindi pa rin dapat magluwag ng mga quarantine restrictions ang gobyerno.

As of 4 p.m. ng June 15, 2020 ang COVID-19 cases sa bansa ay umabot na sa 26,420.

Imahe mula sa DOH

Loading…