Construction worker na naglalakad papasok sa trabaho, mapalad na nabigyan ng bike ng Unang Hirit team

  • Mapalad na nabigyan ng bagong bisikleta ng Unang Hirit team ang 59-anyos na construction worker na si Teresito Monarva
  • Naglakad mula sa kanilang tahanan sa may UP Diliman patungo sa kaniyang pinagtatrabahuhan sa Novaliches si Tatay Teresito 
  • Labis naman ang pasasalamat ng construction worker sa lahat ng bumubuo sa GMA morning show na Unang Hirit dahil sa natanggap niyang bisikleta

Araw-araw na nilalakad ng construction worker na kinilalang si Teresito Monarva ang kahabaan ng Commonwealth Avenue, mula sa kaniyang tahanan sa UP Diliman papunta sa pinagtatrabahuhan sa Novaliches.

Image capture from GMA Public Affairs | Youtube

Kuwento ni Tatay Teresito, umaabot umano sa limang oras ang ginugugol niya sa paglalakad, kasama na ang sandaling pahinga at pag-inom ng tubig.

“Minsan, lima (oras) kasi kasama ang pahinga. Iinom ka ng tubig. Ang sakit na kasi ng mga binti ko rin. Hindi ako tatagal sa lakad [na] masyadong malayuan,” aniya.

“Minsan inaagahan ko para makarating ako nang maaga-aga,” dagdag niya.

Nais niya rin umano sanang magbisikleta ngunit dahil kapos sa perang pambili ay napipilitan na lamang siyang maglakad araw-araw.

“Kaya ko kung meron lang sana akong bike, wala man akong pambili. Anong magagawa ko? Hanggang tingin lang ako,” sabi ni Tatay Teresito.

Agad namang inilabas ni Mayrina ang surpresang bike para kay Tatay.

“Kami po ay nakikiisa sa inyong sakripisyo sa araw-araw sa kagustuhan ninyong maghanapbuhay, makapasok sa trabaho,” ani Mayrina.

“Lahat po tayo, alam naman natin, ay naapektuhan nitong krisis na ito, kaya gusto ho namin kayong tulungang makapagtrabaho. Tanggapin n’yo po sana itong munting regalo ng Unang Hirit para sa inyo,” dagdag niya, kasabay ng pag-abot ng bagong bisikleta sa construction worker.

Image capture from GMA Public Affairs | Youtube

Labis naman ang saya na naramdaman ni Tatay Teresito matapos siyang makatanggap ng bike mula mismo sa bumubuo ng GMA morning show na Unang Hirit.

Nagpasalamat muli siya kay Mayrina bago sinumulang tahakin ang daan patungo sa kaniyang trabaho gamit ang naturang sasakyan.

Nais n’yo bang makita ang tuwa sa mukha ni Tatay Teresito?

Source :

GMA, Youtube

Loading…