Dahil kay Super Inggo: Makukulay na de-clip na hair extension, pamporma ng mga batang 2000s

  • Naging makulay ang kabataan ng mga batang 2000s dahil sa isang pampormang nauso noon
  • Ito ay ang makukulay na hair clip na mayroong makulay na buhok na animo’y hair extension
  • Nauso din ito dahil sa sikat na serye noon ng ABS-CBN na Super Inggo kung saan may kulay pulang buhok ang bida

Bawal ang magpakulay ng buhok lalo na ang mga batang estudyante. Pero dahil nakikita natin sa mga magulang, ate, kuya, tito, tita, maging kina lolo at lola ang konsepto ng pagpapakulay ng buhok, marami sa atin noong kabataan ang gustong magkaroon nito.

Nakadagdag pa ang maaangas na hair style ng mga tauhan sa sikat na telefantasya ng ABS-CBN noon na Super Inggo kung saan makikita ang ilang hibla ng kanilang buhok na may kulay. Kaya naman ang pangarap ng mga bata noon, sana ay maranasan nila ang magkakulay ang buhok.

Larawan mula sa Shopee

Tila natupad naman ang pangarap ng mga bata noon nang mauso ang mga party highlight hair clip noong 2000s. Ito ay maliit na kumpol ng makulay na tila hibla ng buhok na ikinakabit sa pamamagitan ng parang spring nitong itaas.

Murang-mura lamang itong nabibili lalo na sa mga tindahan sa labas ng paaralan. Kapag ikinabit mo ito sa iyong ulo o buhok, magkakaroon ka na ng instant makulay na highlight sa iyong crowning glory. Hindi na kailangan pang kulayan dahil ikinakabit lamang ito at madaling tanggalin kaya aprub sa mga batang 2000s.

Binalikan din ng mga kabataan noon sa Facebook group na We Are 2Ks ang nasabing pamporma ng mga bagets noon. Ibinahagi ni Dean Gonzaga Banola sa group ang larawan ng sinasabing ‘hair extension’ ng mga batang 2000s.

Ayon sa kanila, talaga namang usong-uso raw ito dati lalo na sa mga mahilig sa fashion. Dahil iba-ibang kulay ang maaaring mabili, marami sa mga estudyante noon ay iba-iba ang kulay na ginamit bawat araw. Kapag daw masungit ang teacher, tinatanggal daw nila sa klase ang mga nasabing hair clip.

Larawan mula sa Facebook group na We Are 2ks

Pinatotohanan din ng ilan na dahil kay Super Inggo kaya sila naglalagay ng murang hair extensions. Kulay red ang highlights sa buhok ng superhero kaya naman red rin ang madalas na bilhin ng mga kabataang lalaki noon, sabay gaya sa paborito nilang tauhan.

Hanggang ngayon ay mayroon pa ring nabibiling party highlight hair clips ngunit hindi na ito kasing sikat gaya noon. Mayroon na kasing mga hair wax na panandaliang nagbibigay kulay sa buhok na mas patok ngayon sa kabataan.

Loading…