Dangal ng lahi: Katutubong Aeta nagtapos ng senior high school; may mensahe sa mga katulad niyang may pangarap

  • Trending online ang graduation picture ng isang katutubong Aeta na tinupad ang kanyang pangarap
  • Nakapagtapos kasi siya ng senior high school sa isang kilalang unibersidad at isa ring student athlete
  • May mensahe rin siya para sa mga katulad niyang katutubo at mga mag-aaral na may nais makamit sa buhay

Ngayong taon, maraming mag-aaral na magtatapos sana sa iba’t ibang antas ang hindi nakaranas na umakyat ng entablado. Dahil sa pandemya, kanselado muna ang mass gatherings, kabilang na ang pinakahihintay ng ilan na graduation day.

Ngunit mula na rin sa diskarte ng mga guro at paaralan, nairaos naman ang pagtatapos ng ilan sa pamamagitan ng online graduation. Marami ding mag-aaral ang natanggap ang kanilang graduation picture online at ang ilan sa kanila ay ibinahagi ang mga ito sa kanilang social media account.

Larawan mula sa Facebook account ni Bimiana Capuno

Isa sa mga nagbibigay inspirasyon ngayon ay ang graduation picture at mensahe ng katutubong Aeta na si Bimiana Capuno. Nagtapos si Bimiana ng general academic strand ng senior high school sa Holy Angel University.

Kalakip ng kanyang graduation picture, ipinahayag ni Bimiana sa isang post ang kanyang mensahe patungkol sa mga pinagdaanan bago makamit ang inaasam na diploma.

Saad ng dalaga, kahit daw nasa kabundukan ang kanilang tahanan, lakas loob daw siyang bumaba upang ipagpatuloy ang pag-aaral at maging mabuting halimbawa sa kanyang mga kapuwa katutubo.

Nang nasa kapatagan na raw, hindi nakaiwas si Bimiana sa panunukso ng iba dahil na rin sa kanyang kulay at kulot na buhok. Kung ano-ano raw ang naibansag sa kanya ng ibang tao. Hindi rin daw siya komportable noon sa unang pagtapak niya sa paaralan ngunit pinalakas ang loob at sinabing purong Pilipino ang kanyang lahi at kailangan maipakita sa iba na ang katulad niya ay may pangarap ding nais makamit.

Naging motibasyon daw ni Bimiana, na isa ring student-athlete, ang naisin niyang mabago ang pagtingin ng lipunan sa mga katulad niya. Kahit naman daw ‘kakaiba’ ang tingin sa kanila ng maraming tao sa kapatagan, normal din daw ang kanilang pamumuhay at kailangan din ng edukasyon.

Larawan mula sa Facebook account ni Bimiana Capuno

“Ang isang Aetang kagaya ko ay nagnanais ng pagbabago sa mga mata ng mga taong mapanghusga sa kung anong kulay at kulturang mayroon kami. Maraming salamat sa aking mga kaklase, coaches, scholar, at mga naging kaibigan. Sila ang nagsilbing hagdan upang mas kilalanin ko ang aking pagkatao at dito ko natutunan na maging totoo at magpakatotoo sa kung sino man ako,” bahagi ng mensahe ni Bimiana sa kanyang post.

Agad na nag-viral sa social media ang kuwento ng katutubo. Marami ding Pilipino ang nakapulot ng inspirasyon sa pinagdaanan niya. Sabi nila, isang karangalan ng lahing Pilipino ang katulad niya na mayroong pagpapahalaga sa edukasyon.

Basahin ang kabuuan ng mensahe ni Bimiana sa kanyang pagtatapos sa SHS:

Loading…