Dating GM: ‘Di isinauli sa amin, kinuha namin ang ABS-CBN

Imahe screenshot mula sa YT video ng ABS-CBN
  • Iginiit ng dating GM na hindi isinauli ni Cory sa kanila ang ABS-CBN
  • Binawi umano nila ito mula sa rehimeng Marcos
  • Sila pa umano ang ‘nagpahiram’ ng ABS-CBN sa gobyerno ni Cory

MAYNILA, Pilipinas – Iginiit ng isang dating opisyal ng ABS-CBN na hindi isinauli sa kanila ni dating Pangulong Corazon Aquino ang network kundi binawi nila ito mismo mula sa mga Marcos.

Sa pagdinig na ginanap sa Mababang Kapulungan nitong Martes kinuwestiyon ng ilang mambabatas ang legalidad ng muling pagmamay-ari ng mga Lopez sa ABS-CBN matapos itong ma-sequester ng rehimeng Marcos noong 1972 nang ibaba ang batas militar.

Almeda Lopez| Imahe screesnhot mula sa YT video ng ABS-CBN

“Kinuha sa amin ng Marcos ang ABS-CBN… Hindi isinauli sa amin — kinuha namin, ibinalik namin sa sarili namin,” ito ang iginiit ni Augusto “Jake” Almeda Lopez; dating general manager ng ABS-CBN.

Kuwento ni Lopez, noong Pebrero 1986, ilang empleyado ng network ang lumusob sa istasyon nito sa tulong ng ilang sundalo na kaalyado nina Enrile at Ramos.

“Andoon po kami, mga ABS people… Noong nagkakaroon ng putukan, isinara, nag-shut off ang operations ng television. Nagtago lahat-lahat ng mga tao. Madilim na madilim iyan,” anito.

Imahe screenshot mula sa YT video ng ABS-CBN

Hinanap umano nila ang mga kasamahan sa loob at makaraan ang isang oras ay muli nilang napaandar ang istasyon at umere ito.

Nagkaroon lang umano ng kaunting problema nang hingan sila noon ng mga dokumento ni dating executive secretary Joker Arroyo na nagpapatunay ng kanilang pagmamay-ari subalit wala raw silang naibigay dahil sa tagal na ng panahon at nawala na ang mga resibo ng mga gamit doon.

Humantong na lamang sa arbitration ang kanilang usapan para lamang muling maibalik sa mga Lopez ang kontrol ng istasyon.

Cory Aquino| Imahe mula sa YT video ng ABS-CBN

Kabilang umano sa naging kasunduan ang pagpapagamit ng ilang pasilidad ng ABS-CBN sa administrasyong Aquino kapalit ng halagang P97.5-M, mula Marso 1, 1986 hanggang Nobyembre 6, 1992.

Lubhang napakaliit lamang umano ng halagang ito at alam naman nilang walang ibabayad ang gobyernong Aquino dahil bagong-bago pa lamang ito.

“Hindi po isinauli sa amin ng Cory government ang istasyon. Kami ang nagpahiram sa Cory government,” muling giit ni Lopez.

Loading…