Dating PBA player na si Ronnie Matias, proud sa pagtitinda ng bigas at bagoong ngayong may pandemya

  • Nagnenegosyo ngayon ang professional basketball player na si Ronnie Matias habang walang laro
  • Wala raw kasi silang kita kapag walang liga kaya nagtitinda siya ngayon ng bagoong, bigas, at processed meat products
  • Hindi raw siya nahihiya sa ginagawang ito dahil para ito sa kanyang pamilya

Kanya-kanyang diskarte ang mga Pilipino, kabilang ang mga sikat, upang magpatuloy pa rin ang kita kahit sa panahon ng quarantine. Dahil hindi pa opisyal na nagbabalik sa normal ang operasy0n ng entertainment at sports industry sa bansa, humanap na ng paraan ang ilang personalidad para may pagkakitaan.

Isa sa mga proud sa kanyang negosyo ay ang dating PBA player at ngayon ay Maharlika Basketball Pilipinas League (MPBL) player na si Ronnie Matias. Pipirma na raw sana si Matias ng bagong kontrata sa kanyang team na Manila Stars nang mangyari ang lockdown.

Larawan mula sa MPBL

Dahil lockdown at walang mga liga, wala ring suweldo ang 36-anyos na dating player ng Rain Or Shine. Ngunit hindi nagpaawat si Matias at inilabas ang diskarte. Nag-umpisa sila ng negosyo ng kanyang misis at unang ibinenta ang espesyal na bagoong alamang na recipe ng kanyang nanay.

Nakalagay sa bote at selyado ang produkto nilang may pangalang Nelly, sunod sa pangalan ng kanyang ina. Marami daw ang umo-order sa kanya kabilang ang ilang kaibigan sa PBA at marami din ang may bulk orders mula sa iba’t ibang lalawigan.

Pumatok ang espesyal na bagoong kaya naman mula sa pagbebenta sa mga kaibigan, pinag-iisipan na rin daw ni Matias at ng kanyang asawa na ibenta ang mga ito sa mall at mga supermarket.

Hindi lamang bagoong ang itinitinda ni Matias. Nagbebenta rin sila ng bigas, tapa at longganisang Taal, at steak. Suki niya raw sa mga produktong ito ang ilang kilalang PBA players na sina Ryan Araña, Raymond Almazan, Paul Lee, at Mike Tolomia.

Larawan mula sa MPBL

Siya rin mismo ang nagde-deliver ng kanilang mga ibinebentang produkto. Mula sa mga order sa Metro Manila, ay nagde-deliver din siya hanggang sa Laguna at Bataan. Tinitiyaga raw nilang mag-asawa ang pagbebenta dahil malaking tulong ito sa kanilang pamilya lalo na sa anim na anak.

Proud raw si Matias sa kanyang negosyo. Hindi raw siya nahihiya sa pagtitinda kahit may mga nakakikilala sa kanya bilang isang professional league player. Ayos na raw ito kaysa mangutang siya at magut0m silang buong pamilya.

Loading…