Dating senador Ramon Revilla Sr, namaalam na sa edad na 93

Imahe mula kay Sen. Ramon "Bong" Revilla, Jr.
  • Namaalam na si dating senador at aktor na si Ramon Revilla, Sr. sa edad na 93
  • Kinumpirma ito ng kanyang anak na si Sen. Ramon “Bong” Revilla, Jr.
  • Humiling ng panalangin ang senador para sa eternal repose ng kaluluwa ng ama

Namaalam na ang dating senador at aktor na si Ramon Revilla, Sr. sa gulang na 93. Kinumpirma ito ng kanyang anak na si Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. sa pamamagitan ng social media.

Screenshot mula sa video ni Sen. Bong Revilla

“Wala na po ang tatay ko. Please pray for him,” madamdaming pahayag ng senador sa video na ibinahagi niya sa kanyang Facebook account pasado alas-singko ng hapon ngayong araw ng Biyernes, June 26.

Ayon sa senador, heart failure umano ang dahilan ng pagkasawi ng ama.

Pinasalamatan niya ang mga nag-alay ng panalangin at muling humiling ng patuloy na pagdarasal para sa ama.

“After 93 full years, our father former Senator Ramon Revilla, Sr. succumbed to heart failure at 5:20 this afternoon. He is now free from physical pain and is in the loving arms of our Creator. Thank you very much for the love and prayers, as we ask for continuous prayers for the eternal repose of his soul,” mensahe ni Sen. Bong Revilla.

Ang dating senador, na nagtamo ng kasikatan sa pagganap niya sa pelikula ng mga fictional at real-life characters na may taglay na anting-anting, partikular na si “Nardong Putik,” noong dekada sitenta, ay isinugod sa ospital noong nakaraang buwan.

Imahe mula kay Sen. Ramon “Bong” Revilla, Jr.

Una siyang dinala sa St. Dominic Medical Center sa Cavite upang malapatan ng paunang lunas bago siya inilipat sa St. Luke’s Medical Center sa Taguig City kung saan siya ipinasok sa ICU at kinabitan ng ventilator.

Noong June 1 ay nagkamalay pa umano ang ama, ayon na rin kay Sen. Bong Revilla.

Si Ramon Revilla, Sr. ay may 72 anak mula sa 16 na iba’t ibang babae.

Loading…