DepEd Pasig, tiniyak na kasado na ang learning continuity plan sa lungsod

  • Maayos na ang learning continuity plan ng DepEd-Pasig para sa pagbabalik ng mga klase sa Agosto
  • Sa katunayan, may plan A at plan B sila para dito na may magkakahiwalay na pondo
  • Walang pisikal na mga klase hangga’t walang bakunang susugpo sa COVID-19

Ipinahayag ni Schools Division Superintendent Evalou Agustin noong Martes, Hunyo 2, 2020, na maayos na ang learning continuity plan ng Department of Education-Pasig upang isagawa ang pagbabalik-eskuwela sa darating na Agosto 24, 2020, na ang main modality ay distance learning kung saan hindi iminumungkahi sa ngayon ang pisikal na pagpasok sa mga paaralan.

Bibigyan ang bawat Pasiguenong mag–aaral ng “learning packet” na naglalaman ng mga sumusunod: tablet na may lamang pre-recorded video lessons at digitized worksheets, printed worksheets, textbooks at iba pang resources. Libre ang tablet para sa mga mag-aaral, na aabot sa 138,000. Pinondohan ito ng lokal na pamahalaan sa halagang 1.2 bilyong piso, ayon sa opisyal na Facebook page ng Sangguniang Panlungsod ng Pasig.

Imahe mula sa opisyal na Facebook page ng Sangguniang Panlungsod ng Pasig

“Ready for uploading na ang video lessons at digitized worksheets na nilikha ng writers at learning resource developers ng DepEd. Hindi kakailanganin ng internet connection para ma-access ang lessons sa tablet. Kada two weeks ang uploading nito. Para sa mga may internet connection sa bahay, puwedeng online ang updating. Puwede ring magtungo sa eskwelahan ang magulang para ma-update ang leksyon sa tablet,” ayon sa post.

Sa pagpapatuloy, “Magkakaroon din ng online interaction ang guro at mga estudyante sa pamamagitan ng Facebook Messenger. Pwede itong ma-access kahit walang internet connection sa pamamagitan ng free data feature (Kailangan lamang may regular load ang gamit na smartphone). Sumailalim na sa training kaugnay nito ang nasa 1,000 guro ng public school sa tulong ng NGO na AHA Learning Center.”

“Sa plano ng DepEd, 8:00 am-12 noon ang schedule ng pag-aaral ng mga bata. Bahagi niyan ang panonood ng video lessons sa tablet, pagsagot sa worksheets, at online interaction via free data FB Messenger. Ang worksheets ay puwedeng personal na i-submit ng magulang sa eskwelahan, o kunan ng litrato at ipadala sa guro via Messenger o email.

Target umano ng DepEd-Pasig na matapos ang pagbili, pagproseso, at pamamahagi ng tablets bago ang pagbubukas ng klase sa Agosto. Kung sakaling magkaroon ng aberya sa kanilang Plan A (digital format for tablet/laptop), may Plan B naman sila kung saan printed modules ang gagamitin. May pondo raw itong 199 milyong piso.

Imahe mula sa opisyal na Facebook page ng Sangguniang Panlungsod ng Pasig

Binigyang-laya naman ang mga pribadong paaralan upang bumalangkas ng kanilang learning continuity plan, na sasailalim din sa pagsusuri at pagsang-ayon ng ng DepEd.

Binigyang-diin ni Agustin na hindi maaari ang pisikal na mga klase sa paaralan hangga’t walang bakunang susugpo sa COVID-19.

Ang Lunsod ng Pasig ay pinamumunuan ni Mayor Vico Sotto.

Source :

Facebook

Loading…