DOH: “Tuob” walang scientific evidence na kayang puksain ang COVID-19

Screenshot mula sa video ni Cebu Gov. Gwen Garcia
  • Nagbabala ang DOH laban sa pagtutuob o steam inhalation
  • Hindi inirerekomenda ng DOH ang tuob bilang pangontra sa COVID-19
  • Wala pang scientific evidence na kayang puksain ng tuob ang SARS-CoV-2, ang coronavirus na nagdudulot ng COVID-19

Nagbigay ng babala sa publiko ang Department of Health (DOH) hinggil sa steam inhalation o “tuob” na diumano ay nakapagpapagaling sa mga taong nahawahan ng SARS-CoV-2, ang uri ng coronavirus na nagdudulot ng COVID-19.

Screenshot mula sa video ni Cebu Gov. Gwen Garcia

Sinabi pa ng Kagawaran ng Kalusugan na walang scientific evidence na magpapatunay na ang pagtutuob o ang paglanghap ng steam ng pinakuluang tubig na may luya, lemon at iba pang sangkap ay kayang puksain ang coronavirus.

Ang warning ng DOH ay ibinigay kasunod ng napaulat na memorandum na inisyu ng Cebu Provincial Government na humihikayat sa mga empleyado ng lokal na pamahalaan na mag-tuob dalawang beses isang araw upang maibsan ang pagkalat ng COVID-19 sa probinsya.

Sa isang televised press briefing, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kapwa itinanggi ng US Center for Disease Control and Prevention at ng World Health Organization na ang steam inhalation ay nakagagaling ng respiratory ailments.

Ayon pa kay Vergeire, ang pagtutuob ay maaari pang mauwi sa aksidente tulad ng pagkapaso at pagkalapnos ng balat. Posible rin umano ang  lalo pang pagkalat ng coronavirus kapag sumama ito sa steam o singaw ng pinakuluang tubig.

Imahe mula sa DOH

Ang pagtutuob ay nakapagpaparami rin daw ng secretions o lumalabas na likido sa ilong na posibleng mauwi sa pagbahing o pag-ubo na lalo pang magpapakalat sa COVID-19.

Paulit-ulit na ipinaaalala ng DOH na habang wala pang gamot o bakuna sa COVID-19, ang pinakamabisang paraan upang maproteksyunan ang sarili ay ang pagsusuot ng face masks, madalas na paghuhugas ng kamay at physical o social distancing.

Loading…