DOLE: Nasa 100-libo, nawalan ng trabaho sa unang 6-buwan ng 2020

Image by Manila Public Information Office via Facebook
  • DOLE: Nasa 100,000 manggagawa ang nawalan ng trabaho sa unang anim na buwan ng 2020
  • Kaiba ito sa naunang ulat ng PSA na may 4.9-milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho noong Abril
  • Pinag-aaralan na nila ang mga ulat patungkol sa mga manggagawa na hindi nakatatanggap ng sahod at benepisyo

Nasa 100,000 manggagawa ang nawalan ng trabaho sa Pilipinas sa unang anim na buwan ng taong 2020 dahil sa COVID-19 pandemic, ayon sa pahayag mula sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Image by Department of Labor and Employment – DOLE via Facebook

Pagpapaliwanag ni DOLE Secretary Silvestre Bello III, ito’y nakasaad sa tala ng kanilang job displacement report na nakabatay sa mga isinumiteng paabiso ng retrenchment o shutdown ng mga kompanya.

Karamihan sa mga establisyimento (2,895) ay naglabas ng notices of retrenchment o pagbabawas ng manggagawa samantalang 294 naman ang nagsabing kailangan na nilang magsara. Apektado rito ang kabuuang 90,215 na manggagawa.

Pinakamalaki ang epekto sa administrative and support service sector na may 28,192 apektadong indibidwal, sinundan ng 10,635 na indibidwal sa service related business, at 10,260 sa manufacturing.

Wika ni Assistant Labor Secretary Dominique Tutay, “Majority of the establishments who reported retrenchment aim to prevent further losses and save business operations.”

Malaki ang pagkakaiba ng datos mula sa DOLE sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) kamakailan kung saan sinabing 4.9-milyon ang nawalan ng trabaho noong Abril.

Pero sabi ni Bello, ang datos mula sa DOLE ay nakabatay mismo sa company reports samantalang ang PSA ay nanggaling sa survey.

Samantala, nagpalabas na ng paabiso ang Labor department na bubusisiin nila ang kanilang mga advisories na nagdulot umano ng hindi pagkakatanggap ng sahod at benepisyo ng ilang empleyado.

Sinabi ni Sen. Imee Marcos sa pagdinig sa Senate Committee on Labor noong Miyerkules na habang maganda ang intensyon ng mga paabiso, sinasamantala ito ng maraming BPO.

Imahe mula sa Facebook account ni Sen. Imee Marcos

Kailangan umanong repasuhin ang Labor Advisories 9 at 17 para ma-address ang “floating” status ng mga empleyado na nagde-deprive sa kanila ng kanilang kita habang nasa gitna ng krisis.

“There is no more reason to put employees on floating status because we are now under GCQ in Metro Manila, where most call centers are located. The business process outsourcing sector was already allowed to operate at full capacity even under a stricter quarantine level.”

Sa parehong advisory, walang tuwirang pahayag na ilagay sa floating status ang mga manggagawa ngayong panahon ng pandemya.

Image by Department of Labor and Employment – DOLE via Facebook

Loading…