DTI iniimbestigahan na ang diumano’y ‘paggamit’ ng PWD ID ng may-kayang pamilya

Imahe mula sa GovernmentPH
  • DTI iniimbestigahan na ang diumano’y paggamit ng PWD ID ng isang pamilya sa QC
  • Sinuspinde na rin ng QC gov’t ang pag-isyu ng PWD ID
  • Isa namang nakakakilalang netizen ang dumepensa sa pamilya

Pinaiimbestigahan na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang napaulat na diumano’y pag-abuso ng isang may-kayang pamilya sa Quezon City sa paggamit ng PWD (person with disability) identification card.

Magugunitang nag-viral sa social media ang isang post kung saan makikita ang 6 na PWD ID na ginamit umano ng isang may-kayang pamilya para maka-discount sa isang restaurant.

Imahe mula sa PWD Facebook

Makikita sa mga ID ng anim na miyembro ng pamilya na may nakasaad na ‘visual disability’ o ‘psychosocial disability’ sa bawat card.

Ayon sa DTI, isang pag-abuso sa pribilehiyo ng isang taong may kapansanan ang ginawa ng pamilya at ito ay kanila nang iniimbestigahan.

“Such action gives undue discrimination to people who actually have disabilities that we do not immediately see,” wika ni DTI Secretary Ramon Lopez.

QC gov’t, sinuspinde na ang pag-isyu ng PWD card

Samantala, pansamantalang sinuspinde na rin ng pamahalaang lokal ng Quezon City ang pag-isyu ng PWD card matapos kumalat sa social media ang naturang viral post.

Lumalabas sa imbestigasyon na naisyuhan ng PWD ID ang 6 na miyembro ng pamilya matapos magbayad ng P2,000 kada isa kahit hindi naman daw kwalipikado ang mga ito.

Papatawan na rin umano ng kaukulang parusa ang empleyado ng city hall na nasa likod ng nasabing kontrobersiya. Posible umanong matanggal sa trabaho ang empleyado kapag napatunayang nagkasala ito.

“We will use the two days to come up with the needed safeguards to ensure that only those deserving get the PWD cards,” paliwanag ni Mayor Joy Belmonte.

Pamilya dinepensahan ng nakakakilalang netizen

Isa namang nakakakilalang netizen ang ipinagtanggol ang pamilya mula sa mga bashers at pangungutya sa social media.

Ayon sa mahabang Facebook post ni Ivy Lisa F. Mendoza-Yulo, disente at mga edukado ang pamilyang nasasangkot sa kontrobersiya. Iginiit din niya na valid ang PWD IDs dahil pirmado ito at binayaran din.

Nagsimula umano ang gusot matapos utusan ng nanay ang kanilang driver na bumili ng pagkain sa isang restaurant subalit sa kasamaang-palad ay hindi tinanggap ang PWD IDs ng pamilya. Kahit walang malinaw na paliwanag, binayaran na lang daw nang buo ng driver ang inorder na pagkain.

Imahe screenshot mula sa Facebook post ni Ms. Mendoza-Yulo

Subalit lingid sa kaalaman ng driver, kinuhanan pala ng litrato ng manager ng resto ang mga ID at ibinahagi ito sa social media na madali namang kumalat.

Umiiyak na raw ang mga anak dahil sa sari-saring batikos na natatanggap nila na hindi naman makatarungan.

Samakatuwid, ayon sa netizen dapat umanong papanagutin ang manager ng resto na nag-upload ng ID nang walang pahintulot.

Basahin ang buong post ni Ivy Lisa F. Mendoza-Yulo DITO.

Loading…