Face-to-face classes sa mga lugar na walang COVID case, ipinanukala ni Salceda

Image by Joey Salceda via Facebook
  • Pagsasagawa ng face-to-face classes sa mga lugar na walang kaso ng COVID-19, ipinanukala ni Cong.  Salceda
  • Ani Salceda, kawawa umano ang mga estudyanteng mula sa mahihirap na pamilya sa online learning
  • Hindi rin umano pupuwedeng ipagpaliban ang klase dahil magdudulot ito ng malaking economic cost sa bansa

Iminumungkahi ni Cong. Joey Salceda na pag-aralan ang posibilidad ng pagsasagawa ng traditional learning o face-to-face classes sa mga lugar na walang kaso ng COVID-19.

Image by Joey Salceda via Facebook

Punto ni Salceda, mapag-iiwanan umano ang mga estudyanteng kabilang sa mga mahihirap na pamilya sakaling maipatupad ang online learning.

Paghahalimbawa ng 2nd district Albay representative, nasa pitong bahagdan lamang ng tahanan sa Bicol region ang mayroong access sa internet.

“Tignan natin ‘yung mga lugar na walang kaso at ipatupad na lang natin ang isang sistema na kung sakaling may mangyari, ay handa kaagad ang ating public health system para mag-respond o tumugon,” ani Salceda sa panayam ng Dobol B sa News TV.

Nasabi pa nito na nagdudulot ng P94 hanggang P136-billion economic cost sa Pilipinas ang isang taong pagpapaliban ng estudyante sa kanilang pag-aaral.

“Kaya nga diyan pumapasok talaga na walang one-size-fits-all, kailangan talaga aralin na maigi tutal meron pa tayong up to August 24. By this time talaga naaral mo na.”

Suportado ito ni Cong. Pantaleon Alvarez na nauna nang nagsabing baka maaaring ikonsidera ng pamahalaan ang pagsasagawa ng face-to-face classes sa low-risk areas at walang kapasidad digitally.

Sa kabila nito, mukhang hindi patitinag si Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones sa paghahanda para sa blended learning; sang-ayon sa nais ng pangulo na wala munang face-to-face classes hangga’t mayroon nang bakuna sa COVID-19.

Noong Mayo ay nasabi rin ni Salceda na hindi makatutulong sa mga estudyante ang online classes dulot ng mabagal at unstable internet connection.

Photo from Pixabay

Loading…