Free taste sa mga tindang sili, kinaaliwan

  • Kinatuwaan ng mga netizens ang isang larawan na nagpapakita ng free taste para sa mga tindang sili
  • Ayon sa caption, marami raw kasi ang nagtatanong kung maanghang ba ang kanilang paninda
  • Maraming mga benepisyong dulot ang sili sa kalusugan ng isang tao, ayon sa sikat na doktor na si Willie Ong 

Isa sa mga katangian ng mga mamimiling Pilipino ang pagkahilig sa mga “free taste.” Naniniguro kasi tayo na sulit ang mga binibili nating mga produkto kaya gagawin natin ang lahat upang matiyak na maayos ang ating mga binibili. Hindi rin naman kasi biro ang pagkita ng pera.

Kaya kung mapapansin, marami sa mga supermarket at grocery stores ang nagpapa-free taste sa iba’t ibang mga produktong pagkain, lalo na ang mga bagong labas, upang mahikayat ang mga mamimili na tangkilikin ito. Subalit paano kung siling labuyo ang paninda? Kakasa ka ba sa free taste? Iyan ang kinatuwaan ng mga netizens sa Facebook page na “Rant.”

Imahe mula sa Facebook page na Rant / Public Domain Image

Ayon sa caption nito, “Dami kasing nagtatanong kung maanghang daw yung tinitindang sili. Oh, ayan! Magtatanong ka pa?!”

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Bakit kailangan pang i-free taste ang sili eh alam naman ng lahat na maanghang iyan? Hahaha. So funny naman,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Bakit hindi ikaw na nagtitinda ang maunang tumikim? Hahaha. Kapag hindi ka naanghangan, bibili kami.”

“Parang di naman maanghang yung sili kasi kulay berde. Mas maanghang kapag kulay red. Kahit hindi na tikman,” saad naman ng isa.

Ang sili ay isang uri ng halamang may maanghang na mga bunga. Tinatawag na siling-haba ang mga mahaba at mapulang uri ng sili na tinatawag ding labuyo. Madalas itong ginagamit na pampalasa sa mga ulam gaya ng Bicol Express, ginataan, at marami pang iba. Inilalagay rin ito sa mga condiments gaya ng suka at bagoong.

Ayon kay Doc. Willie Ong, bukod sa pampagana at pampasarap sa ating pagkain ay may magandang benepisyo ding naidudulot ang sili sa katawan at kalusugan ng tao. Ayon sa pag-aaral sa hayop, posibleng mapigilan ng sili ang pagkakaroon ng diabetes. Nakita riin na nagpapababa ito ng blood sugar.

Public Domain Image

Mabisa rin umano itong pampapayat dahil nagpapabilis ito ng ating metabolismo at nagpapainit din ng katawan. Mas madaling makatatanggal ng calories para pumayat. Napipigilan din umano nito ang posibleng pagbabara ng ugat sa puso.

Sa taglay nitong anghang ay napagpapaluwag din ito ng baradong ilong dulot ng sinusitis at sipon. Ang sangkap na capsaicin ay maaari ding makaalis ng sakit sa katawan. Maaari itong ipamahid sa masakit na mga kasu-kasuan at arthritis.

Loading…