Freelance artist, iginuhit ang mga tauhan sa dalawang obra maestra ni Dr. Jose Rizal sa estilong “anime”

  • May handog ang isang freelance artist mula sa Misamis Oriental para kay Dr. Jose Rizal
  • Iginuhit niya sa pamamagitan ng faux-anime style ang ilang mga piling tauhan ng dalawa niyang nobelang maituturing na obra maestra
  • Ito ay ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo

Noong Hunyo 19, 2020 ay ginunita ang ika-159 kaarawan ng ating Pambansang Bayaning si Dr. Jose Rizal na nagbuwis ng kaniyang buhay at nagbahagi ng kaniyang talento upang mamulat ang mga Pilipino mula sa pang-aalipin ng mga mananakop na Espanyol.

Kaya naman, bilang pagpupugay sa kabayanihan ni Dr. Jose Rizal, iginuhit ng isang freelance artist na may pen name na “Cioccolatodorima” ang mga piling tauhan ng dalawang “walang kamatayang” nobela nitong Noli Me Tangere at El Filibusterismo sa pamamagitan ng “faux-anime style” bilang pagbabalik-tanaw na rin sa mga napag-aralang kuwento nito sa panitikan.

Imahe mula sa ABS-CBN News

Sa nobelang Noli Me Tangere na naunang likhain ni Rizal, iginuhit ng artist na taga-Misamis Oriental sina Crisostomo Ibarra, Maria Clara, Elias, Padre Damaso, Padre Salvi, Kapitan Tiago, Sisa, Basilio, Crispin, Don Tiburcio at Donya Victorina De Espadana.

Para naman sa ikalawang aklat na sequel o karugtong nitong El Filibusterismo, tampok ang dating Ibarra na si Simoun gayundin si Basilio. Isinama rin niya ang kontrobersiyal na “lampara” ni Simoun na naglalaman ng nitrogliserina, isang uri ng pampasabog na kemikal, na nakatakda sanang sumabog upang maisakatuparan ang huling sultada ng pagbabalik at paghihiganti ni Simoun laban sa mga kaaway na nagpabagsak sa kaniya.

Namangha naman ang mga netizens at kagyat na nagbalik sa kanilang gunita ang mga karanasan sa pag-aaral ng dalawang nobela noong sila ay nasa high school.

Imahe mula sa ABS-CBN News

Sabi ng isa, “Mahusay ang guro namin sa Filipino noong araw. Talagang nag-aalab ang diwang makabayan namin kapag nagtatalakay na siya. Pure Filipino kasi ang gamit niyang wika at napakatatas sa Tagalog kaya ramdam na ramdam mo ang passion niya sa pagtuturo nito. Kudos sa lahat ng mga guro ng Filipino!”

“Nakakabilib naman! Kaya lang parang masyadong naging foreign ang dating,” komento naman ng isa.

Ang dalawang nobelang obra maestra ni Dr. Rizal ay patuloy pa ring binabasa, sinusuri, pinag-aaralan, at iniuugnay sa kasalukuyan bilang bahagi ng kurikulum ng asignaturang Filipino sa Junior High School.

Loading…