Guro kumasa sa hamon ng pagbibisikleta papasok sa eskuwela

  • Isang guro ng elementarya sa Caloocan City ang kumasa sa hamon ng pagbibisikleta patungo sa kaniyang pinapasukang eskuwela
  • Kinailangan nilang bumalik doon upang tapusin ang mga nabinbing trabaho dulot ng ipinatupad na Enhanced Community Quarantine sa buong National Capital Region
  • Nagbigay siya ng mensahe ng pag–asa para sa kaniyang mga naging mag-aaral at kapwa-guro

Ang pagpasok ng buwan ng Hunyo ay hudyat para sa mga guro; hudyat na kailangan na ulit nilang maghanda para sa muling pagbabalik ng mga klase. Kaliwa’t kanang in-service training ang kailangan nilang daluhan, pagsasaayos ng kanilang mga silid-aralan, paghahanda at pagsasaliksik ng iba’t ibang mga kagamitang panturo para sa mas mabisang pagtuturo at pagkatuto.

Subalit naiiba ang taong pampanuruan 2020–2021 dahil hindi ito ang tipikal na pagbubukas ng klase. Lahat ay nakatuon kung paano mairaraos ang online teaching batay na rin sa itinatakda ng “New Normal.”

Ayon sa Facebook post ng gurong si “Ma. Erica Canda”, handang-handa na siyang sumabak sa hamon ng pagbabalik–eskuwela, kaya naman bumili na siya ng bagong bisikleta.

Imahe mula sa Facebook account ni Ma. Erica M. Canda

“Teacher on bike. First time makipagsabayan sa EDSA at maraming susunod pa. Thanks God for His protection,” ayon sa caption ng post ng guro. Kaaya–aya ang kaniyang bisikletang kulay–pink na halatang bago pa dahil sa ilang mga pambalot na plastik na hindi pa natatanggal. Sa harap nito ay may basket kung saan nakalagay ang kaniyang mga kagamitan sa eskuwela.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Ingat sis cher ha. Tiis lang muna, para sa ekonomiya. God will bless us and guide us always kaya no problem po,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Ang husay naman ng mga UCCIANs! You can adjust to the situation! Cheers!Ingat ka palagi!”

“Goodluck po and ingat! Ganiyan talaga kapag teacher. Kayang mag–adjust at mag-adapt sa lahat ng mga sitwasyon at pagkakataon. Ingat po sa pagda-drive!” pahayag naman ng isa.

Si Teacher Erica ay nagtuturo ng iba’t ibang asignatura gaya ng Filipino, Science, AP, ESP, at MAPEH sa antas elementarya ng Caloocan Bethel Christian School. Bagama’t mahirap umano ang sitwasyon, kailangan pa rin itong harapin at kailangang makiangkop upang hindi mapag-iwanan.

Imahe mula sa Facebook account ni Ma. Erica M. Canda

“Sa aking mga mag-aaral, hindi ko nabigkas sa inyo ang salitang ‘paalam’ dahil sa mga pangyayaring bigla na lang nagparamdam, gayunman, patuloy kong dadalhin ang mga araw na kayo ay kasama, iipunin lahat ng masasayang alaala,” mensahe ni Teacher Erica sa kaniyang mga naging mag-aaral noong nakaraang taong pampanuruan.

Dagdag pa niya, “Isa kayo sa mga dahilan kung bakit ako nagpapatuloy kahit mahirap at dumarating sa puntong nawawala na ang apoy, sa puso ko pag-ibig sa inyo ang patuloy na dumadaloy, mahal ko kayo at hangad ko ang inyong pagkatuto at higit sa lahat ang kaligtasan ninyo.

May mensahe rin si Teacher Erica sa kaniyang mga kapwa-guro na nakikipaglaban din sa mga pagbabagong kailangang yakapin.

“Sa aking mga kapwa guro, alam kong hindi biro ang biglaang pagbabago. Maraming adjustments na minsan nakakahilo. Pero alam kong hindi tayo basta susuko. Kahit madalas, sumasakit na ang ating mga ulo, kakaisip kung paano natin maaabot ang mga bata sa bago nating mundo. Totoong magulo at nakakalito. Pero para sa kabataan hindi tayo susuko; lalaban tayo at patuloy na magtuturo. Kaya natin ito aking mga kapwa-guro!

Talagang handang-handa na si Teacher Erica para sa nalalapit na pasukan. Inihanda na niya ang kaniyang “mini classroom at home” para mas maging maayos ang kaniyang workspace kapag nagsimula na ang mga online class. Ipinasilip niya ito sa kaniyang Facebook post, at tiyak na ginagawa na rin ng iba pang mga guro bilang paunang paghahanda.

Imahe mula sa Facebook account ni Ma. Erica M. Canda

Para sa lahat ng mga guro sa pribado at pampublikong paaralang gaya ni Teacher Erica, laban lang!

Loading…