Guro mula Ilocos Sur, hindi nahadlangan ng kawalan ng gadget, signal para sa online enrollment ng mga mag-aaral

  • Kawalan ng gadget at Internet signal ang dalawa sa mga hamon na kinahaharap ng maraming mag-aaral, lalo na ang mga naninirahan sa mga liblib na lugar.
  • Sa kabila nito, maraming guro ang patuloy na gumagawa ng mga solusyon at aksiyon upang makatulong sa mga batang kapos man sa mga materyal na bagay ay pursigido pa rin sa pag-aaral
  • Isa na rito ang guro mula sa isang bayan sa Ilocos Sur

Maipagmamalaki ng kaniyang mga kababayan at mga kapuwa guro ang isang Mathematics teacher na si Ginoong Efren B. Cabotage mula sa Narvacan National Central High School.

Buong puso kasi niyang tinulungan ang mga mag-aaral sa kanilang barangay at mga kalapit na lugar para sa kanilang online enrollment.

Imahe mula sa Facebook account ni Efren B. Cabotage

Si Cabotage ang matiyagang nag-enroll online sa mga mag-aaral dahil suliranin sa kanilang lugar ang mahinang signal. Hindi rin lahat ay may sariling gadget o may pambili ng load.

Dahil pinagdaanan din niya ang gayong kalagayan, alam ni Cabotage kung gaano kahirap para sa mga bata at sa mga magulang ang sitwasyon ngayon.

Kaya mula sa sarili niyang bulsa ay nagpa-print siya ng mga Learner Enrollment and Survey Form para masagutan ng mga mag-aaral at ng kanilang mga magulang. Pagkatapos, isa-isa niyang in-enroll online ang mga bata.

Sa simula ay naranasan ni Cabotage na maglakad ng halos isang oras at umakyat pa ng bundok para lang makahanap ng signal. Sa kabutihang-palad ay nakahanap din siya ng magandang puwesto malapit sa kaniyang bahay na may signal.

Sa pagtulong na ito, ibayong kaligayahan ang nadarama ng guro dahil nakikita niya kung gaano kasaya ang mga batang kaniyang natulungan.

Imahe mula sa Facebook account ni Efren B. Cabotage

Nanawagan din si Cabotage sa mga may kabutihang-loob na mag-donate sa mga bata ng maaari nilang magamit bilang proteksiyon sa COVID-19 tulad ng face masks, alcohol, thermal scanner, at iba pa.

Mabuhay po kayo, Ginoong Cabotage! Mabuhay ang mga gurong patuloy na nagbibigay ng inspirasyon sa mga batang patuloy na naniniwala sa bisa ng edukasyon!

Loading…