Gurong modista soon: TESDA tuturuang manahi ng face masks ang mga guro upang may magamit sakaling payagan ang F2F learning

  • Mga guro, pagkakalooban ng TESDA ng libreng pagsasanay sa pananahi
  • Sa tulong nito, makakapanahi ang mga guro ng mga face masks na siyang ibibigay sa mga mag-aaral sakaling payagan na ang face to face learning
  • Susundin ang mga health protocols sa pagsasagawa ng pagsasanay

Guro, handa ka bang manahi ng face mask para sa kapakanan ng bawat mag-aaral na Pilipino?

Hindi matatawaran ang mga sakripisyong iniaalay ng mga guro para makapamahagi ng kaalaman at hubugin ang potensyal ng bawat estudyanteng Pilipino. Anupa’t kahanga-hanga ang pagganap nila sa kanilang mga tungkulin.

Imahe mula sa DepEd Apayao

Dahil sa ipinatutupad na quarantine measures para mapanatili ang kaligtasan ng mga mamamayan ngayong may COVID-19 pandemic, hindi pa pinapayagan ang face-to-face learning. Samakatuwid, gagamitin muna ang blended learning.

Kaugnay nito, gumagawa naman ng paraan ang Technical Education and Skills Development Authority para mabigyan ng kasanayan ang mga guro na siyang magagamit sa hinaharap.

Ibinahagi ng DWPE Radyo Pilipinas Tuguegarao sa Facebook na magkakaloob ang TESDA Region 2 ng libreng pagsasanay sa pananahi sa mga guro sa Cagayan Valley.

Pahayag ni TESDA RO2 Regional Director Demetrio Anduyan Jr., layunin nitong matulungan ang mga guro na makapanahi ng face mask na siyang ibabahagi sa kanilang mga estudyante sakaling payagan na ang face-to-face learning sa hinaharap.

Kasalukuyan na ring nakikipag-ugnayan ang kanyang opisina sa Department of Education (DepEd) para sa mga guro na sasailalim sa pagsasanay.

Pagtitiyak ng direktor, susundin pa rin ang mga health protocols kagaya ng pagsusuot ng face mask at social distancing sa mga isasagawang hands-on training.

Image by Director DEMETRIO PASCUA ANDUYAN, JR. via Facebook

Samantala, inanunsyo ng DepEd na maaari nang ma-download ang mga Most Essential Learning Competencies (MELCs) sa DepEd Commons website (commons.deped.gov.ph/melc) simula June 15.

Magagamit ang MELCs para maipagpatuloy pa rin ang edukasyon sa bansa sa gitna ng COVID-19.

Sunod namang ilalabas ng kagawaran ang revised K to 12 Curriculum para sa SY 2020-2021.

Imahe mula sa DepEd

Loading…