#HijaAko nag-trending dahil sa diumano’y “victim-blaming statement” ni Ben Tulfo

  • Ben Tulfo, sinabing maging maingat ang mga babae sa pananamit para hindi mapukaw ang atensyon ng mga masasamang loob
  • Sagot ni Frankie Pangilinan, ‘wag tuturuan ang mga kababaihan kung papaano manamit
  • Dagdag niya, turuan ang mga tao na ‘wag gawan ng masama ang mga kababaihan

Naging kontrobersyal na paksa sa internet kamakailan ang naging sagot ni Frankie Pangilinan sa isang tweet ni Ben Tulfo patungkol sa mga karahasan na nagaganap sa mga kababaihan.

Image by Frankie Pangilinan via Instagram

Nasabi kasi ni Ben na ang pagnanasang gumawa ng masama ng mga rapist ay palaging nariyan at oportunidad lamang ang inaantay ng mga ito.

Payo ng Bitag host sa mga kababaihan, maging maingat sa pananamit dahil iniimbita nito ang mga “beast”. Naka-tag din sa post si Frankie na tinawag ng TV and radio personality na “Hija.”

Tila hindi nagustuhan ni Frankie, anak nina Sen. Francisco Pangilinan at Sharon Cuneta, ang pahayag ni Ben at sinabing ang kultura sa paggawa ng masama sa mga kababaihan ay tila naging normal na lalo sa mga kalalakihan.

Dagdag niya, hindi dapat sabihing oportunidad ang pananamit ng mga babae para gawan sila ng masama at ang pagtawag umano sa kanya bilang “hija” ay hindi magpapaliit sa kanyang punto.

Naunang nag-tweet si Frankie na ‘wag tuturuan ang mga kababaihan kung papaano manamit; bagkus ay turuan ang mga tao na ‘wag gawan ng masama ang mga kababaihan.

Dulot nito, nag-trend sa social media platform na Twitter ang #HijaAko; ang “hija” bilang bagong pangalan sa mga kababaihan na nagtatanggol sa karapatan ng mga kababaihan bilang tao.

Maraming kababaihan ang nagpadala ng suporta kay Frankie at mayroon pang mga nagbahagi ng kanilang mga naging karanasan.

Image by Ben Tulfo via Instagram

Pero pagpapaliwanag ni Ben sa website ng Bitag Media, hindi niya sinisisi ang mga biktima; bagkus, sinabi niyang ‘wag na raw pukawin ang masamang balakin ng mga tinawag niyang ‘beast.’

Nasabi rin nito na pro-victim siya; maging ang programang Bitag. Nagpasalamat din ito kay Frankie na umano’y kumilala at tumanggap sa kanyang paalaala.

Photo from Pixabay

Loading…