HR trainer hinggil sa mga ‘underdogs:’ “Wala sa eskuwela, nasa tao talaga”

  • Ibinahagi ng isang HR trainer ang kaniyang mga karanasan sa pagkilatis ng mga aplikante sa trabaho
  • Aniya, iba-iba man sila, namumukod-tangi pa rin ang mga tinatawag na “underdogs”
  • Wala raw sa eskuwela ang ikatatagumpay ng isang empleyado o tao sa kabuuan kundi nasa kaniyang magandang pag-uugali o attitude

Ano nga ba ang sukatan ng pagiging isang mabuti at mahusay na empleyado ng isang kompanya? Nakabatay ba ito sa credentials na makikita sa kaniyang curriculum vitae, o sa kaniyang katangi-tanging ugali at pakikisama sa kaniyang mga kasamahan at boss?

Ibinahagi ng isang Human Resources staff/trainer na nagngangalang “Jose Enrico V. Libunao” sa kaniyang Facebook post ang kaniyang mga obserbasyon sa mga uri ng empleyadong kaniyang nakasalamuha; at sa halos 16 na taon niya sa HR training, humangga siya sa konklusyon na wala sa pinanggalingang paaralan o pamantasan ang galing at propesyunalismo ng isang tao pagdating sa trabaho kundi nasa kaniyang magandang “attitude.”

Public Domain Image

Pinamagatan niya ang kaniyang post na “Underdogs.” Nakita na raw niya halos lahat ng uri ng aplikante.

“Masaya dito kasi marami kang matututunan gaya ng motivations ng tao, mga pangarap nila sa buhay, kung anong mga strengths at weaknesses nila, taste sa pananamit, choice ng pabango, pati mga scripted na sagot, isama mo na. Lahat yan na-experience ko over than span of time,” aniya.

May mga bagong graduate daw na aplikante na gustong maging manager agad o maging management trainee, na napansin niyang nauuso ngayon. Kumbaga, wala pang napatutunayan sa kompanya, gusto’y makuha kaagad ang rurok ng posisyon. Iyong iba naman daw, hindi nga gustong maging manager, subalit “suweldong pang-manager” naman ang target. Sayang daw kasi ang pinampaaral sa kanila ng mga magulang nila.

May mga empleyado rin daw na akala nila ay “do-it-all” pass sa buhay nila ang kanilang natamong diploma. dahil galing sila sa sikat na eskuwelahan o pamantasan, lahat ng gusto nila ay masusunod. Pagdating naman sa trabaho, ayaw mainitan, ayaw maarawan, ni ayaw mautusan.

“Iyon bang pakiramdam mo, ikaw at yung kompanya ay hindi worthy para sa kanya. Parang ikaw ang nag-apply at siya ang magde-decide ng kapalaran mo. Baligtad no?” sabi pa niya.

Public Domain Image

Sa lahat daw ng aplikante at empleyado, wala nang mas nakabibilib umano para sa kaniya ang mga “underdogs.” Sila umano ang mga taong “walang laban” pagdating sa papel dahil galing sa “less prestigious schools”. Mga tipong nagmula umano sa mga “college of never heard cities.”

Sila raw ang mga aplikante na kadalasan ay nasa ilalim ang ipinasang resume sa tambak na mga resumes sa lamesa ng HR.

Sila raw ang mga taong masarap bigyan ng pagkakataon dahil sanay silang pinaghihirapan ang mga bagay na gusto nilang makamtan.  Sila raw ang mga taong oportunidad at tiwala lamang ang hinihiling, sapat na. Walang kaarte-arte sa katawan.

“Aaminin ko, noong bagito akong recruiter, nagkamali ako sa kanila. Akala ko kapag produkto ng sikat at premyadong eskuwela, automatic, magaling na. Kapag ‘slang’ mag-English, swak sa panlasa. Maling-mali ako,” pagbabahagi niya.

Public Domain Image

“Okay na motivation ang bagong kotse, new gadgets, o pansuporta sa gastos sa bahay. Pero walang laban iyon sa motivation ng taong kumakayod para sa pang-tuition ng kapatid, panghulog sa renta ng bahay, o pambayad sa ospital ng mga magulang sa probinsiya. Magandang drive ang making a name for yourself. Pero mas malalim ang hugot ng taong gustong i-ahon sa hirap ang pamilya o pauwiin na ang ama na OFW nang isang dekada,” aniya.

Sa totoo lamang daw, hindi sukatan ng husay at tagumpay ng tao ang pagiging prestihiyoso ng paaralang kaniyang pinagmulan. Wala naman daw formula para malaman kung magiging “good hire” ang isang aplikante. Iba na kasi ang “labanan” kapag nasa aktuwal na trabaho na. Marami nang dapat isaalang-alang. May mga bagay na hindi maituturo sa paaralan na tanging sa pagsabak lamang sa trabaho matututunan.

Kaya pagdidiin ng HR trainer, “Wala ‘yan sa eskuwela at diploma. Wala sa hitsura o porma. Pero siguradong nasa ugali at tibay ng dibdib nakasalalay ang tagumpay ng isang tao. HATS ang tawag diyan. Hire for Attitude and Train for Skills. At sa lahat ng Recruiter, HR practitioner, Hiring Manager, o Trainer na nakakabasa nito, natitiyak kong some of the most memorable risks you’ve ever taken involved believing in underdogs. Ang mga taong madalas dehado sa laban. Sugal talaga. Tatayaan mo.”

Public Domain Image

Sila raw ang nagbibigay-kahulugan at kulay sa anumang napiling bokasyon. Habang may mga katulad daw niyang HR trainer na naniniwala na pantay-pantay na laban, patuloy rin silang susugal at susubok, makatikim lamang ng kaunting tagumpay at pagkilala. Walang binibigay. Lahat pinaghihirapan.

“Walang Big Four. Huwag kang maniwala doon. Wala sa eskuwela, nasa tao talaga,” panghuling pahayag ng HR trainer.

Walang masama sa pag-aaral sa mga sikat at prestihiyosong paaralan o pamantasan. Wala ring masama sa pagkakaroon ng katalinuhan at kahusayan sa lahat ng talento at kasanayan. Subalit laging tandaan na ang mabuting pag-uugali ay ating sandata at sandigan saan man tayo dalhin ng kapalaran; iyan ang huwag kalilimutan!

Source :

Facebook

Loading…