Hustisya hiling ng mga netizens para kay Michelle Silvertino

Imahe mula sa Facebook post ni Nathanael Alim Alviso
  • Sinawim-palad ang isang babae habang naghihintay ng biyahe papuntang Bicol
  • Siya any nakilalang si Michelle Silvertino, isang nanay
  • Hustisya ang sigaw ng karamihan para sa sinapit ni Michelle

MAYNILA, Pilipinas – Pinabayaan at hindi pinansin noong nangangailangan ng tulong; kung kailan pa binawian ng buhay, saka lamang nakilala si Michelle Silvertino.

Si Michelle ang 33-taong gulang na babaing natagpuang wala nang hininga sa isang footbridge sa lungsod ng Pasay madaling-araw noong Biyernes, ika-5 ng Hunyo. Siya rin ang itinuturing ngayon na mukha ng kakulangan umano ng pamahalaan sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mahihirap na Pilipino.

Imahe screenshot mula sa video ng GMA News

Unang ibinahagi sa Facebook ni Nathanael Alim Alviso ang malungkot na kuwento ni Michelle.

Isa siyang nanay na nangarap ng magandang buhay para sa kaniyang apat na maliliit na anak sa Bicol na iniwan ng kanilang ama. Nangarap mangibang-bansa subalit nabigo dahil sa taglay na karamdaman sa baga.

Nitong Enero, namasukan si Michelle sa Antipolo bilang katulong. Subalit nang isailalim sa community quarantine ang Kamaynilaan, nagpaalam umano siya sa kaniyang amo para umuwi sa kaniyang mga anak sa Calabanga, Camarines Sur.

Matapos ihatid sa Cubao, walang nasakyang bus si Michelle dahil wala pang biyahe noon. Napilitang maglakad ang pobreng nanay mula Quezon City hanggang Pasay bitbit ang P6,000 na ipon, mabigat na maleta at pag-asang makasasakay siya doon.

Sa kasamaang-palad, wala ring biyahe ng bus sa Pasay kaya napilitang maghintay si Michelle sa isang footbridge nang limang araw bago sinapit ang kalunos-lunos na pangyayari.

Imahe mula sa Facebook post ni Nathanael Alim Alviso

Ayon kay Alviso, tuluyang iginupo si Michelle ng kaniyang karamdaman hanggang sa matagpuan na lang siyang hindi na humihinga madaling-araw noong Biyernes.

Ayon sa lokal na pamahalaan ng Pasay, nagpositibo si Michelle sa COVID-19 base sa resulta ng inisyal na test. Nakatakda rin sanang sumailalim ito sa confirmatory test noong Hunyo 6 subalit  hindi na ito umabot.

Ang masaklap pa, tinanggihan na ng crematorium ang katawan ni Michelle kaya inilibing na lamang ito ng mga awtoridad sa isang mababaw na hukay.

Imahe mula sa Facebooo post ni Nathanael Alim Alviso

Samantala, nakatanggap na umano ng P5,000 cash assistance ang pamilya Silvertino sa Calabanga habang nangako naman ang alkalde ng bayan ng pangmatagalang tulong sa mga naulilang bata.

Hustisya naman ang sigaw ng mga netizens matapos maantig sa mapait na kuwento ni Michelle. Nag-trending pa sa Twitter ang hasthtag na #JusticeForMichelleSilvertino bilang pakikiisa sa kaniyang sinapit.

Dismayado man ang karamihang Pilipino, at hiling nila sa pamahalaan na sana ay huwag nang magbuwis pa ng buhay ang isang Michelle na isa raw biktima ng kakulangan ng mga taong dapat ay tumulong sa kaniya.

Loading…