Ilang mga pasaway na motorista ng four-wheel vehicles, naispatang dumaan sa bicycle lane

  • Naispatan ang ilang mga pasaway na motoristang nagmamaneho ng four-wheel vehicles na dumaraan sa bicycle lane
  • Hindi naman tinukoy kung saang partikular na lugar ito
  • Halo–halo ang naging reaksyon at komento ng mga netizens hinggil dito

Isa sa mga “naparalisa” at lubusang naapektuhan ng pagpapatupad ng community quarantines ay ang pampublikong transportasyon, lalo’t limitado ang pagbabalik-operasyon ng mga ito, partikular sa pampasaherong jeepney. Kaya naman, dumami ang bilang ng mga gumagamit ng bisikleta, na mas inirerekomenda dahil bukod sa tipid na sa gasolina, mas mainam pa para sa kalusugan.

Gumawa ng inisyatiba ang ilang mga lokal na pamahalaan upang magkaroon ng bicycle lane na laan para sa mga gumagamit ng bisikleta. Subalit may ilan pa ring mga pasaway na motoristang nagmamaneho ng four-wheel vehicles ang naispatang dumadaan sa bicycle lane. Makikita ito sa Facebook page na “Padyaktives Philippines”.

Imahe mula sa Facebook page na Padyaktives Philippines

Hindi naman tinukoy kung saang partikular na lugar naispatan ang mga naturang motorista. Kahit malinaw na nga ang mga sign board na “bike lane” at may markang nakalagay sa gilid ng mga kalsada, hindi pa rin talaga paawat ang ilang mga pasaway na motorista sa pagdaan dito. Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizens.

“Dapat kasi may harang ang bike lanes para hindi maka-double park mga sasakyan or makaharang sa daanan ng bikes hay…” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “May mga mamamayang Pilipino na karamihan na nagtanga-tangahan, alam naman nila na bike lane iyon, dumisiplina naman sana at nang walang maaksidenteng bikers na dumaraan bike lane nga eh…”

Samantala, may ilang mga netizens naman ang nagsabing hindi rin naman masisisi ang mga motoristang nagmamaneho ng four-wheel vehicles dahil makikitid ang mga lansangan sa Pilipinas, at tila hindi naman talaga pinag-isipang magkaroon ng bicycle lane kapag gumagawa ng mga lansangan.

“Nagawa na ‘yang kalsada, na build or plan na walang bike lane. Anong aasahan ninyo? Syempre, ginawa nang wala sa ayos, ginawa para makisali sa trend. Kitid na ng kalsada eh. Hindi ako against ha… Sana lang nilulugar ang mga plano, sa ganiyang kalsada, bigayan na lang solution diyan,” sabi ng isa.

Imahe mula sa Facebook page na Padyaktives Philippines

Saad naman ng isa, “May mga establishments sa gilid, syempre wala naman parking, eh ‘di may hihinto talaga sa bike lane since sa pinakagilid ito. Kapag huminto sila sa gitna, galit kayo, kapag sa gilid, galit. Mga motor, nakikisali nakikidaan kayo sa bike lane, huwag naman kayo siga na kayo pa galit kapag mabagal. Eh saan ba lulugar mga Pinoy?”

Nawa ay magkaroon na talaga nang maayos na pagpaplano para sa mga lansangan natin dito sa Pilipinas.

Loading…