Ilang vendors hindi pabor sa mga bagong vending stalls sa Divisoria na itinayo ng lokal na pamahalaan

Imahe mula kay Mayor Isko Moreno
  • Mga bagong vending stalls sa Ylaya Street sa Divisoria malapit nang buksan
  • Hati ang opinyon ng mga vendors sa mga itinayong stalls – may pabor, may tutol
  • Tiniyak ng lokal na pamahalaan na kapag bukas na ang mga stall ay lilinisin ang mga bangketa upang madaanan ng mga customers

Nagtayo ang lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila ng mga vending stalls sa kahabaan ng Ylaya Street sa Divisoria.

Imahe mula kay Mayor Isko Moreno

Ayon sa Facebook post ni Mayor Isko Moreno, 100 lahat ang mga nasabing stalls na aniya ay mas disente at mas maayos na pwesto para sa mga vendor ng lungsod. May sukat itong 2 meters by 2 meters.

Hati naman ang opinyon ng mga vendors tungkol sa mga bagong pwesto na pauupahan sa kanila.

Sabi ng isang sidewalk vendor na noon pang 1980s pa nagsimulang magtinda sa Divisoria hindi na sila makikipaghabulan sa mga pulis na nagpapaalis ng mga tulad nilang sa bangketa lang nagtitinda kapag nakaupa na sila sa bagong vending stalls.

“Napakahirap. Tatakbo dito, takbo doon, kung saan-saan. ‘Pag nahuli ka pa, wala na, ‘di na babalik (ang mga paninda),” anang sidewalk vendor na si Teddy Erisano na dalawampung taon nang nagtitinda ng mga tela sa bangketa sa Ylaya Street.

Vendor na pabor sa bagong stalls/Screenshot mula sa GMA video

Hindi na rin kakailanganing magligpit ng mga paninda kapag bumuhos ang mga ulan dahil may maayos na bubong ang mga vending stalls na may sarili na ring kuryente at apat na ilaw.

May agam-agam naman ang iba dahil nabalitaan umano nila na dalawang vendors ang maghahati sa isang stall.

Umaangal din ang mga establisimyentong nasa likod ng mga bagong stalls. Nahaharangan na raw sila at mahirap na silang makita ng mga parukyano. Mahihirapan din umano silang maglabas ng mga kartilya kapag kailangang ihatid ang customer na maraming binili.

“Mahihirapan din po kami maglabas ng mga kartilya ‘pag maghahatid sa mga buyer. Since nilagyan na nila ng ganiyan, ‘di na rin nakikita mga pangalan kasi may harang na siya,” ayon sa isang store owner.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Mahihirapan din daw ang mga magde-deliver sa kanila ng mga produkto.

“Kasi po ‘di po makikita ‘yong mga nakapuwesto dito sa loob. Kunwari may dumating pong tela, isang truck, magbababa ng tela tapos ipapasok sa bodega tapos magta-traffic na,” sambit ng may-ari ng isang pwesto na nasa likuran ng mga vending stalls.

Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan na sa oras na buksan na ang mga vending stalls ay sisiguruhin nitong malinis ang mga bangketa na madaraanan ng mga customers.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

 

Loading…