Impractical at unrealistic: Bus stops sa gitna ng EDSA kinuwestyon ni Sen. Nancy Binay

Imahe mula sa Facebook account ni Sen. Nancy Binay
  • Mga transport plans ng DOTr, kinuwestyon ni Sen. Nancy Binay
  • Partikular na binanggit ng senadora ang planong paglalagay ng bus stops sa gitna ng EDSA
  • Tila pinag-eeksperimentuhan lang daw ng DOTr ang mga kawawang commuters

Tinawag ni Senator Nancy Binay na tila isang virtual experiment ang ginagawa ng Department of Transportation (DOTr) sa inilalabas nitong mga polisiya hinggil sa transportasyon sa EDSA habang ipinatutupad ang general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila.

Imahe mula sa Facebook account ni Sen. Nancy Binay

Nagpahayag si Sen. Binay ng pag-aalala sa, aniya, ay “unsafe and poorly planned measures” na ipinatutupad ng DOTr para sa mga commuters.

“This is not the time to stretch experiments. Improving mobility and maximizing space are important, but spending on costly experiments that we know are bound to fail is totally unnecessary lalo pa ngayong kapos sa pondo,” anang senadora.

Aniya, ang mahirap at magulong pagbibiyahe ay patuloy na sasagupin ng mga pasahero sa ilalim ng GCQ at Modified GCQ kung walang maayos na public transport plan ang DOTr.

“Sana try din nilang testingin ‘yung kanilang science projects sa EDSA. Para kasing virtual experiment ang ginagawa sa mga mananakay. ‘Wag na po nating ipilit ‘yung mga hilaw at minadaling plano sa EDSA which placed public safety as a secondary concern. ‘Di po EDSA ang classroom sa online learning,” may pagkasarkastikong sambit ni Sen. Binay.

Partikular na kinuwestyon ng senadora ang planong paglalagay ng bus stops sa gitna ng EDSA. Malalagay lang umano sa peligro ang mga pasahero, bukod pa sa magagastos sa itatayong istruktura upang makapunta sa bus stop sa gitna ng kalsada.

Ginagawang bus stop sa gitna ng EDSA/Screenshot mula sa ABS-CBN video

“Papaano naman ‘yung mga pasahero? Saan sila tatawid para makapunta sa gitna ng EDSA? Lalo din papahirapan nito ang ating mga senior citizen at PWDs. If DOTr genuinely believes that their plans are well-thought of, then we presume that they understand the hardships of commuters under Modified GCQ,” aniya.

Ang mga transport plans umano na nais ipatupad ng DOTr ay pawang unrealistic at impractical.

Loading…