‘Internet allowance’ para sa mga guro, pinag-aaralan ng DepEd

Imahe mula sa DepEd Facebook page
  • DepEd pag-aaralan ang pagbibigay ng internet allowance sa mga guro
  • Titingnan umano nila kung mayroong budget na maaaring ilaan dito
  • P1,000 – P1,500 ang hinihiling ng mga guro kada buwan para pambayad sa internet

MAYNILA, Pilipinas – Pinag-aaralan na ng Department of Education (DepEd) ang kanilang kasalukuyang budget kung mayroong maaaring ilaan dito para sa ‘internet allowance’ na isa sa mga hinihiling ng mga guro.

Magugunitang ilang grupo ng mga guro ang nagpanukala na bigyan sila ng P1,000 – P1,500 internet allowance kada buwan dahil na rin sa panibagong sistema ng pagtuturo sa darating na pasukan.

Public school teachers humihiling sa DepEd ng P1,000 per month na internet allowance

USec. Malaluan| Imahe mula sa DepEd

Ayon kay DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan, nakahanda ang ahensiya na ibigay ang naturang halaga kapag mayroong budget na puwedeng ilaan dito dahil kinikilala nila na ito ay isang malaking gastusin sa kasalukuyan.

“Kung may mga portions tayo na maibibigay suporta then we will do that dahil kinikilala namin na ‘yan ay malaking gastusin ngayon in the delivery modalities na distance learning or blended learning,” paliwanag ni Malaluan sa isang virtual press briefing nitong Martes.

Nahaharap sa malaking hamon ngayon ang mga guro dahil sa ipatutupad na ‘blended learning’ na kombinasyon ng online learning, print modules at pagtuturo sa tulong ng radyo at telebisyon.

Sec. Briones| Imahe mula sa DepEd Facebook

Dahil sa panibagong sistema, nangangamba ang mga guro na maaaring madagdagan din ang kanilang mga gastusin gayung hindi pa nila alam kung saan kukunin ang pera para dito.

Nauna nang sinabi DepEd Secretary Leonor Briones na maaaring gamitin ng  mga guro ang P3,500 (kada taon) chalk allowance para ipambayad sa internet habang maaari rin umanong gamitin ang ‘maintenance and other operating expenses’ na budget ng bawat paaralan para sa iba pang gastusin.

Loading…