Isa pang bike shop sa Maynila, namigay ng libreng bisikleta sa lalaking walang sapat na pambili

  • Isa pang bike shop sa Maynila ang boluntaryong nagbigay ng bagong bisikleta sa customer na walang sapat na perang pambili
  • Labis umano ang saya ng lalaki dahil sa regalo na kaniyang natanggap mula sa may-ari ng bike shop
  • Agad namang nag-viral ang kanilang post at umani ng nakapakaraming positibong reaksyon mula sa netizens

Isa na namang bike shop sa Maynila ang hinangaan ng maraming netizens matapos nitong magbigay ng bagong bisikleta sa customer na walang sapat na perang pambili.

Imahe mula sa Failyn’s Bicycle | Facebook

Sa post ng anak ng may-ari ng bike shop na Jelour Managantal sa kanilang Facebook page na Failyn’s Bicycle noong June 6, ikinuwento nito ang pagpunta sa kanila ng isang matandang lalaki na nakitaan nila ng pagnanais na makabili ng bike.

“Sa kainitan ng araw, pumunta sa aming shop si tatay at napansin namin na pabalik-balik siya,” aniya.

Pagpapatuloy ni Jelour, “Tinanong siya ni ome (mama) kung magkano ba ‘yung budget niya. Ibinulong niya na maliit lang. Noong paalis na si tatay tinawag siya ni ome at sinabi na, ‘Sige gift ko na sa ‘yo ‘to, ‘tay. Huwag ka na muna umalis. Hintayin niyo na po itong matapos.’”

Labis naman umano ang pasasalamat ng matanda sa may-ari ng bike shop.

“Sobrang saya po, sobrang nagpapasalamat po siya kay mama non. Grabe po ‘yung ngiti ni tatay non,” kuwento ni Jelour sa Philippine Star.

Agad namang nag-viral ang post at umani ng mga positibong komento sa social media.

Sa kasalukuyan, mayroon nang higit 34,000 reactions ang post, habang nasa lagpas 4,500 ang nag-share nito sa Facebook.

Imahe mula sa Failyn’s Bicycle | Facebook

Matatandaan na noon lamang unang linggo ng Hunyo ay nag-viral ang isang bike shop matapos nilang magbigay ng bisekleta sa 87-anyos na lalaking naglalakad mula Pasay hanggang Makati.

Patunay lamang ito na nakahahawa talaga ang kabutihan at marami pa ring kababayan ang handang tumulong sa mga mas nangangailangan.

Loading…