Itinakdang biyahe ng mga modern jeepney sa July 22 sa Metro Manila hindi muna matutuloy

Imahe mula sa PNA
  • Postponed ang nakatakda sanang biyahe ng mga modern jeepney sa Lunes, June 22
  • Iaanunsyo ng LTFRB sa linggong ito o sa susunod na linggo kung ilang modern jeepney ang papayagang bumiyahe
  • Kapag hindi sapat ang bilang ng modern jeepney ay saka pa lang papayagang pumasada ang mga tradisyunal na jeepney

Hindi pa rin maiibsan ang hirap na dinaranas ng mga commuters sa pakikipag-agawan ng masasakyan patungo sa kani-kanilang trabaho sa Metro Manila dahil hindi pa rin matutuloy ang biyahe ng mga modern jeepney na ang operasyon ay natakda sanang magsimula sa Lunes, ika-22 ng Hunyo.

Imahe mula sa PNA

Sinabi ni Assistant Secretary Mark Richmund De Leon ng Road Transport and Infrastructure Division ng Department of Transportation na sa linggong ito o sa susunod na linggo ay iaanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga ruta at kung ilang modern jeepney  ang papayagang makabiyahe.

Nilinaw ni Asec. De Leon na mga modern jeepney lang muna ang papayagang makabiyahe at kung sakaling hindi sumapat ang bilang nito sa dami ng mga pasahero ay saka pa lamang papayagang pumasada ang mga tradisyunal na jeepney.

Bagama’t papayagang bumiyahe ang mga tradisyunal na jeepney ay tuloy pa rin umano ang implementasyon ng jeepney modernization program, subalit ipinagpaliban ito hanggang sa Disyembre ng taong kasalukuyan.

Bukod sa binuksang mga ruta ng jeep, nagbukas na rin ang LTFRB ng 27 ruta ng city buses, 28 ruta ng point-to-point buses at pinayagan nang bumiyahe ang mahigit 28,000 transport network vehicle service at mga taxi.

Imahe mula sa RMN

Nagpahayag naman ng pagkadismaya ang transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) sa planong unahin ang modern jeepneys na makabiyahe kaysa sa mga tradisyunal na jeepney.

Ayon kay PISTON National President Mody Floranda, patuloy pa rin ang kanilang panawagan na payagang makabiyahe ang mga lumang pampasaherong jeep.

Inanunsyo naman ni DOTr Road Sector consultant na si Alberto Suansing na maging ang nakatakdang biyahe ng UV Express sa Lunes ay hindi rin muna matutuloy dahil inaayos pa ng ahensya ang ruta ng mga ito.

Imahe mula sa Metro News Central

Loading…