Jennylyn Mercado may sagot sa nagsabing ‘artista lang’ siya kaya ‘wag magbahagi ng opinyon

Imahe mula sa Instagram | Jennylyn Mercado
  • Nagpahayag si Jennylyn Mercado ng kaniyang saloobin matapos na makatanggap ng mensahe na hindi dapat siya nagbabahagi ng opinyon dahil artista lang siya
  • Aniya, maging mga artista ay tao ring kagaya ng iba kaya may karapatan silang gamitin ang kanilang platform upang magbahagi ng opinyon
  • Batid niya rin daw na may responsibilidad siyang siguraduhin na tama ang mga ibinabahagi niya

Naglabas ng saloobin ang aktres na si Jennylyn Mercado tungkol sa mga fans na nagsasabing hindi siya dapat magpahayag ng opinyon dahil “artista lang” siya.

Imahe mula sa Facebook | Jennylyn Mercado

“Hindi po dahil artista [kami] ay wala na kaming kalayaan upang i-express ang sarili at gamitin ang aming plataporma para magbigay at mamahagi ng impormasyon,” sabi ng Jennylyn sa isang Facebook post.

Dagdag niya, batid niyang ang kalayaang ito ay may kaakibat na responsibilidad na sigurahing tama ang ibinabahaging balita.

Ito ay matapos na makatanggap siya ng mensahe mula sa isang netizen. “Hi, Jen. Sa totoo lang, wala kang karapatan na mag-post ng opinyon mo sa nangyayari. Hello, wala kang alam. Artista ka lang. Umarte o kumanta ka na lang,” saad dito.

Imahe mula sa Instagram | Jennylyn Mercado

“Pasensya na po. Pero nakalulungkot na ang baba ng tingin ninyo sa mga artista at mga tao na hindi parehas ang paniniwala sa inyo. Tao po kami. Nag-iisip, nakakararamdam, at nagmamahal katulad ninyo,” tugon ng aktres.

Ani Jennylyn, para sa kaniya ay mahalaga na magkaroon ng talakayan sa pagitan ng mga mamamayan upang mas maging maalam ang lahat sa mga nangyayari sa bansa.

“Pero sana sa mga diskusyon ay nandoon ang respeto sa isa’t isa kahit magkakaiba ang ating mga opinyon o paniniwala. Sana ay itigil na ng iba ang paggamit ng masasakit na salita at personal na atake sa pagkatao ng mga nakakasalamuha dito sa social media,” pakiusap niya.

“Hindi tayo pinalaki ng ating mga magulang upang hindi rumespeto ng kapwa. Ang dami ng negatibo na nangyayari sa mundo, huwag po sana tayo dumagdag dito.”

Source :

Facebook

Loading…