Kamara hinimok na pagbotohan na ang prangkisa ng ABS-CBN

Imahe mula sa ABS-CBN
  • Hinimok ni Atienza ang Kamara na tapusin na ang isyu sa prangkisa ng ABS-CBN
  • Dapat na umano itong pagbotohan ng mga mambabatas
  • Hindi raw patas para sa ABS-CBN at empleyado nito ang nangyayari

MAYNILA, Pilipinas – Hinimok ng isang mambabatas ang Kamara at si Speaker Alan Peter Cayetano na pagbotohan na ang prangkisa ng ABS-CBN nang sa gayon ay malaman na ang mga saloobin ng mga kinatawan ng Kongreso tungkol dito.

Ayon kay Buhay Partylist Rep. Lito Atienza, kilalang pabor sa renewal ng ABS-CBN franchise, isang ‘fishing expedition’ ang nangyayari sa ginagawang pagdinig tungkol sa isyu dahil paulit-ulit na lang ang akusasyon laban sa network subalit wala namang nabubuong konklusyon.

Imahe screenshot mula ABS-CBN YT video

Hindi umano ito patas para sa ABS-CBN, sa kanilang mga empleyado at maging sa sambayanang Pilipino na umaasa sa serbisyo ng nasabing network.

“It’s time to call spade a spade, let’s vote on the matter and let’s hear the collective voices of the majority of members of Congress. And whatever decision is made, we should respect it,” wika ni Atienza sa isang virtual media forum.

Giit ni Atienza inabot na ng pitong pagdinig ang tungkol sa prangkisa ng ABS-CBN; lubhang mahaba kung ikukumpara sa apat lamang na hearing na ginugol ng mga mambabatas sa ibang prangkisa. Ganun pa man, wala naman umanong makitang paglabag na ginawa ang higanteng media outlet at ito ay base na rin sa mga testimoniya ng DOJ, Bureau of Immgration at Securities and Exchange Commission (SEC).

Imahe screenshot mula sa ANC YT video

Maaari lamang maresolba umano ang kaguluhan kung iuutos lamang ni Speaker Cayetano sa committee na tapusin na ang pagdinig at pagbotohan na ang isyu.

“Anyway, this is not a decision solely on the shoulders of Cong. Marcoleta who has monopolized the time of this hearing, and Cong. Remulla who seems to be lording it over, strutting like a peacock,” dagdag pa ng mambabatas.

Ang pagdinig ay ipinagpatuloy nitong Martes, ika-23 ng Hunyo.

Loading…