Kapag sila puwede? Video ng isang frontliner na may angkas na babaeng walang helmet, trending sa social media

  • Usap-usapan ngayon sa social media ang pasaway na frontliner na nag-angkas ng isang babae
  • Wala pang suot na helmet ang angkas na nakadagdag sa pagkayamot ng netizens
  • Sigaw nila, kapag daw frontliner ang lalabag sa batas ay ayos lang habang maraming ordinaryong Pilipino ang nagdurusa

Maraming Pilipino, lalo na iyong mga may motorsiklo, ang humihiling na sana ay payagan na ang pag-angkas ng mag-asawa o mag-partner sa motor. Kahit kasi general community quarantine (GCQ) na ang umiiral sa malaking bahagi ng bansa ay wala pa ring biyahe ng mga pampublikong sasakyan.

DOTr nanindigang mahirap ipatupad ang pagpayag sa pag-angkas sa motor ng mag-asawa at mag-partner sa GCQ areas

Gayunman, ayon sa Department of Transportation (DOTr), hindi raw madali kung ipatutupad ito dahil malaking oras ang kakainin sa pag-check ng ID ng mga magkaangkas sa motor at marami raw ang magpapanggap na mag-asawa o mag-partner.

Larawan mula sa Facebook video ng page na Whiteyaspin

Ngunit ngayon, trending sa social media ang video ng isang frontliner na mayroong angkas na isang babae habang binabagtas ang isang kalsada. Bagama’t hindi tukoy kung saan at kailan ito nakuhanan, umani ito ng iba’t ibang reaksiyon online.

Sa video na in-upload ng Whiteyaspin sa Facebook, makikita ang isang frontliner na naka-uniporme pa habang sakay sa likod ng motor niya ang isang babae. Hindi tukoy ang ugnayan ng dalawa ngunit rinig ang panggagalaiti ng babaeng kumukuha ng video sa pagka-unfair umano ng frontliner. Sinambit rin nito ang plate number ng naturang motorsiklo at napuna rin ang paglabag sa traffic light bagama’t ‘stop light’ na umano.

Nakadagdag pa sa pagkayamot ng mga netizens ay ang hindi pagsusuot ng helmet ng babaeng angkas. Ipinagbabawal kasi sa batas ang pag-angkas sa motorsiklo nang walang suot na helmet, para na rin sa kaligtasan ng rider at umaangkas.

Dahil dito, agad na nag-viral sa social media ang video. Habang isinusulat ang istoryang ito, umani na ng 3.2 million, 15,000 reactions, 6,400 comments, at 70,000 shares ang nasabing video. Dumagsa rin ang maraming netizens na nagbuhos ng kanilang damdamin sa paglabag na ito ng frontliner.

Larawan mula sa Facebook video ng page na Whiteyaspin

Sigaw ng maraming netizens, sana raw ay maaksyunan agad ng mga kinauukulan ang paglabag na ito. Maraming ordinaryong Pilipino raw ang nagtitiis na maglakad nang malayo para lamang makapasok ngunit ang mga frontliners pa ang mismong hindi sumusunod sa mga ordinansa.

Sabi naman ng ilan, dadaanin na naman daw ito malamang sa public apology ng ahensiyang kinabibilangan ng frontliner ang ginawang paglabag. Unfair daw ito sa mga ordinaryong Pilipino na multa agad ang kapalit kapag nahuli ng mga awtoridad.

Panoorin ang video ng frontliner at kanyang angkas:

Source :

Facebook, DF News

Loading…